
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang Chinese fugitive na wanted sa People’s Republic of China (PROC) na may kaugnayan sa llegal gambling.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Zeng Zhanhong, 22-anyos, na nagtangkang umalis ng Pilipinas noong nakaraang Disyembre 27 sa NAIA I terminal sakay ng Air China flight patungong Beijing.
Sinabi ni Tansingco na si Zeng ay nasabat nang dumaan sa immigration officer na magpoproseso ng dokumento kung saan natuklasan na nasa Interpol blue notice ito dahil sa pagiging fugitive sa batas.
Sa record, ang nasabing dayuhan ay miyembro ng criminal fraud syndicate sa Shandong province, China at may arrest at detention order na inilabas ng Chinese authorities.
Inakusahan ito ng pagpapatakbo ng isang illegal gambling website sa internet na isang seryosong krimen sa ilalim ng batas ng China.
Sinabi ni Tansingco na ang kaso ay agad na nakipag-ugnayan sa Beijing, kung saan ito ay inaresto pagdating ng mga Chinese na pulis na naghihintay sa kanya sa paliparan.
“His arrest became possible after the BI made the proper coordination with Chinese authorities in Manila,” sabi nito.
Pinay illegal recruiter arestado rin sa NAIA
Samantala, nadakip ng mga tauhan ng BI’s Border Control and Intelligence Unit ang Isang Filipina illegal recruiter na nagtangka ring umalis ng bansa.
Ang suspek, na itinago ang pangalan habang hinihintay ang pagresolba ng kanyang kaso, ay isang 62-anyos na babae na iniulat na sangkot sa illegal recruitment ng isang biktima sa Dubai.
Nabatid na dinakip ang suspek sa NAIA 1 terminal noong nakalipas na Disyembre 22 bago pa ito makasakay ng Scoot Airways patungong Singapore.
Ang suspek, na ibinigay sa National Bureau of Investigation, ay iniulat na kinasuhan ng illegal recruitment sa Davao City regional trial court na naglabas ng warrant para sa pag-aresto sa kanya.
Nahaharap ito ng pagkakakulong ng 20 taon para sa paglabag sa Republic Act No. 8042.