342 ex-drug users sumailalim sa community based program ng Caloocan LGU

Ni JOY MADALEINE

Aabot sa 342 na dating drug users ang tinulungan ng lokal na pamahalaan ng Caloocan City na sumailalim sa Community Assisted Rehabilitation and Research Outpatient Treatment and Training System (CARROTS).

Pinangunahan ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan, ang completion ceremony ng 342 indibiduwal para sa sumailalim sa psychological at physical rehabilitation upang makabangon at mailayo sa epekto ng paggamit ng illegal na droga.

Sa isang maikling talumpati, hinimok ni Mayor Along sa mga dating drug users na ipagpatuloy ang kanilang landas tungo sa pagbangon at ihanay ang kanilang mga sarili sa isang matatag at makabuluhang buhay.

“Nagpursigi kayong magbagong-buhay at sumumpa na kumawala sa pagiging alipin ng ipinagbabawal na gamot. Patunay po ito na mayroong ikalawang pagkakataon at sa panibagong buhay na naghihintay sa inyo, sikapin ninyo po itong gawing matiwasay at makabuluhan,” sabi ng alkalde.

Muli rin nitog iginiit na hindi kukunsintihin sa ilalim ng kanyang administrasyon ang pagpapakalat ng iligal na droga at mga tulak ng droga.

Gayunpaman, nilinaw rin nito na bilang lokal na punong ehekutibo, matatag itong naniniwala sa pagtulong sa mga biktima na pagalingin at pagaanin ang paglipat kapag sila ay muling sumama sa kani-kanilang komunidad.

“Uulitin ko po walang puwang ang mga tulak sa Caloocan. Zero tolerance po tayo sa mga mahuhuling pusher,” ani Mayor Along.

“Bilang alkalde, patuloy ang ating pagsisikap na maglunsad ng mga angkop na programa at serbisyo upang mapunan ang pangangailangan ng bawat sektor, kabilang na ang pagtulong at pagpapagaan ng sitwasyon ng ating mga kababayan na biktima ng ilegal na droga,” giit nito.

Leave a comment