
Ni NOEL ABUEL
Nagpaalala ang Isang kongresista sa mga pulis na ipinagbabawal ang pagpapaputok ng baril bilang pagdiwang o pag-iingay ngayong bagong taon.
Binigyang diin ni Kabayan party list Rep. Ron Salo, na may 17 na insidente ng illegal discharge of firearms at apat na kaso ng tinamaan ng ligaw na bala sa pagdiriwang ng bagong taon noong simula ng 2022.
“Panawagan natin na maging responsable ang mga gun owners natin dahil ang baril ay dapat ginagamit lamang para sa proteksyon at hindi para gamiting pang-ingay para sa pagsalubong ng bagong taon,” ani Salo.
“Sana ay paigtingin ng kapulisan ang pagbabantay at pagpapakulong sa mga nagpapaputok ng baril ngayong bagong taon, para sa kapakanan nating lahat,” panawagan pa ng mambabatas.
Aniya, ang pagpapaputok ng baril nang walang legal na dahilan ay pinaparusahan sa R.A. 11926 na pumasa noong Hulyo 30, 2022.
Nahaharap sa apat na buwan at isang araw hanggang sa anim na buwan na pagkakakulong ang lumabag sa nasabing batas.
Kapag may tinamaan na tao ay maaari pang tumaas ang parusa at maari ring matanggal sa serbisyo ang opisyal ng gobyerno o miyembro ng kapulisan na nagpapaputok ng baril labag sa batas.
“Ito na ang panahon para ipatupad nang maigi ang batas na ito. Sumunod po tayong lahat para maganda ang pagsalubong natin sa bagong taon. Tandaan din na hindi maaring mapalitan ng ilang sigundong kasiyahan sa pagputok ng baril ang peligrong maaaring idulot nito sa ating mga mamamayan,” giit ni Salo.
“Pinagdarasal at hangad ko ay maging masaya at ligtas tayong lahat sa pagsalubong ng bagong taon, kaya maging responsable tayo sa pagdiriwang natin para walang mapahamak sa ating mga kababayan,” pagtatapos ni Salo.