
Ni NOEL ABUEL
Nilinaw ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Jaime Bautista na hindi nangangahulugan na ititigil ng pamahalaan ang libreng sakay ilalim ng Service Contracting Program na nagtapos na noong Disyembre 31, 2022.
Ayon sa kalihim, ang pagtatapos ng nasabing programa ay dahilan sa ubos na ang pondong nakalaan dito sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) na P7 bilyon, gayundin ang idinagdag na P1.4 bilyon ng Department of Budget and Management (DBM) noong Agosto 16, 2022.
“Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang wala nang Libreng Sakay ngayong darating na 2023. Sa katunayan, mayroong P2.16 bilyo na pondo para sa Service Contracting Program sa ilalim ng 2023 GAA—Php 1.285 Billion para sa programmed appropriations at Php 875 milyon para sa unprogrammed appropriations,” sabi ni Bautista.
Kaugnay nito, nagsasagawa na ng plano ang DOTr at ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa muling pagpapatupad ng Service Contracting Program sa buong bansa katuwang ang mga local government units (LGUs).
“Ang mga programang gaya ng Service Contracting Program, ay malaki ang naitutulong lalo na sa ating mga manggagawang araw-araw gumagamit ng pampublikong transportasyon patungo sa kani-kanilang mga trabaho,” aniya pa.
Dahil dito, malugod na nagpapasalamat ang DOTr sa mga mambabatas partikular kay Senador Sonny Angara bilang Senate Finance Committee chair, sa pagbibigay ng suporta upang masigurong mayroong pondo para sa programa ngayong darating na taon.
“Patungkol naman sa “privatization” ng EDSA Busway, sa kasalakuyan ay nasa proseso pa lamang ang pagsasagawa ng feasibility study para rito upang mapag-aralan ang pagpapatakbo nito katuwang ang pribadong sektor,” ayon pa kay Bautista.
