
NI NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na pawang wanted sa kanilang mga bansa na natangkang pumasok sa bansa.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tangsingco ang mga nasabat na dalawang dayuhan na sina Reiner Reinhold Heber, 63-anyos, isang German at si Chen Qiaolin, 30-anyos, sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Mactan-Cebu International Airport (MCIA).
Nabatid na noong Enero 3 nang maharang si Heber, na sinasabing nahatulan ng pagkakakulong ng 9-taon dahil sa kasong attempted homicide, na dumating sa MCIA sakay ng China Airlines flight mula sa Taipei.
Sinabi ni Tansingco na nakaalerto ang mga BI officers sa MCIA sa pagdating ni Heber base sa impormasyon mula sa BI intelligence division na nakatakdang dumating ito sa bansa.
Samantala, Enero 2 naman nang masabat si Qiaolin sa NAIA sakay ng Philippine Airlines flight mula sa Kuala Lumpur, Malaysia kung saan nang dumaan ito sa immigration counter ay lumabas na nasa Interpol database ang pangalan nito dahil sa pagkakasangkot sa human trafficking at wanted ito sa China.
Base sa public security bureau ng Feixi country sa Anhui province, China ay sangkot din si Chen sa telecommunications fraud at illegal online gambling activities.
Kinasuhan din ito ng pamemeke ng travel documents ng mga biktima ng human trafficking na illegal na nakapasok sa Malaysia, Cambodia at sa iba pang bansa.
“We believe that she might be part of an illegal human trafficking syndicate deploying Chinese workers illegally to other Asian countries. Hence her presence in the country poses as a threat to Filipinos,” sabi ni Tansingco.
Agad na inilagay ang pangalan ng dalawang dayuhan sa immigration blacklist na tuluyang pagbabawal na makapasok ng Pilipinas at agad ding pinabalik ng Taipei at China.