
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ang isang kongresista na payagan ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na bumoto sa eleksyon sa pamamagitan ng electronic voting.
Sa inihaing House Bill Number 6770 ni OFW party list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino, layon nitong palawakin ang mga paraan ng pagboto na isinasaad ng Republic Act 9189, o mas kilala bilang ‘Overseas Absentee Voting Act of 2003’, na sinususugan ng Republic Act No. 10590.
Sinabi ni Magsino na kailangang amiyendahan ang umiiral na batas para maiwasan ang pagkawala ng karapatan sa pagboto ng 1.83 milyong OFWs at higit na hikayating gamitin ang kanilang karapatan sa pagboto.
Sa ilalim ng iminungkahing panukala, ang mga OFW, kabilang ang mga Filipino seafarers, ay papayagang magparehistro, tumanggap ng kanilang mga balota at bumoto sa pamamagitan ng magagamit na mga elektronikong paraan na maaaring matukoy ng Commission on Elections (Comelec).
Aniya, maaaring kabilang dito ang electronic mail, web-based portals, at iba pang internet-based technologies.
Nagbibigay rin ito ng mga mekanismo na higit na magpapahusay sa mga umiiral na pamamaraan at proseso ng absentee voting ng mga OFWs at Overseas Filipinos (OFs) habang pinoprotektahan ang kabanalan ng kanilang mga boto.
Ang electronic voting umano sa ibang mga bansa ay pinapayagan para sa ilang sektor na nakatalaga sa ibang bansa, partikular na ang mga unipormadong tauhan at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng email, fax, o sa pamamagitan ng internet-voting platforms.
“Voting, or the right of suffrage, is an essential element of democracy. It is the power of the people to choose their officials as their representatives to whom they entrust the exercise of the powers of government. This should be made widely accessible to all OFWs, especially since we tout them as the modern heroes who bring in more than USD 34.9 Billion of remittances to the country,” paliwanag pa ni Magsino.
Kahit na ang pagpasa ng amendatory law noong 2013, ang mga paraan ng pagboto ay nananatiling limitado para sa mga OFWs, partikular para sa mga Filipino seafarers, kung isasaalang-alang ang kakaibang katangian ng kanilang trabaho.
Ang mga OFWs ay maaari lamang bumoto nang personal o postal na pagboto sa alinmang embahada ng Pilipinas, konsulado, o foreign service establishment, o sa kanilang lugar ng trabaho kung saan maaaring mangyari sa panahon ng halalan.
“The gaps in the existing laws and regulations on overseas absentee voting must be addressed to allow OFWs and OFs to fully participate in our elections, thereby enabling them to effectively exercise one of the key attributes of their Filipino citizenship – the right to choose their leaders,” ayon pa kay Magsino.
