
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong sa Kamara ang pagkakaloob ng dagdag na tax exemption sa mga kagamitan sa palakasan at kalusugan.
Sinabi ni House Assistant Majority Leader at Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) party list Rep. Margarita Nograles, mas maisusulong ng gobyerno ang kapakanan ng mga mamamayan nito kung hinihikayat na manatiling fit at malusog sa pamamagitan ng pagtaas ng halaga ng dutiable imported sporting gear at kagamitan.
Ito aniya ay magbibigay sa mga Pilipino ng mas mura at mas malawak na access sa iba’t ibang kagamitang pampalakasan at iba pang kagamitan at gadget para sa pagpapahusay ng kalusugan na maghihikayat sa kanila na mag-ehersisyo at mamuhay ng malusog.
Papayagan din nito ang mga atletang Pilipino na pagbutihin ang kanilang mga pagkakataong manalo sa mga internasyonal na kumpetisyon sa palakasan dahil maaaring magkaroon ng access sa pinakamahusay na kagamitan na maiaalok ng mundo.
Sinabi ni Nograles, na isang sports advocate at isang health buff, na sa kasalukuyan, napakamahal ng sports at health gears sa Pilipinas dahil sa mataas na halaga ng importasyon.
Dinagdag pa nito na dapat isaalang-alang ng Bureau of Customs (BoC) ang pag-amiyenda sa Administrative Order 02-2016 nito na nagtatakda ng ceiling para sa non-dutiable imported goods sa P10,000 at may kasamang special exemption para sa sporting at health improvement gears at goods.
Iminungkahi ni Nograles na mula sa P10,000 ang tax exemption para sa mga imported na sporting at health improvement equipment at goods ay dapat itaas sa P50,000 na halaga ng isang mid-level na bisikleta o isang piraso ng matibay at disenteng cardio equipment.
Sa kasalukuyan, ang isang importasyon ng anumang bagay na nagkakahalaga ng 10,000 pababa ay tax-exempt ngunit anumang higit pa rito ay pinapatawan ng 15% Customs duty at 12% Value Added Tax (VAT).
“The P10,000 de minimis value for imported goods will remain with the exception of sporting gears and equipment. If we do this, we can have free gyms in every barangay and we can encourage our population to have an active lifestyle. If we can have a healthy population, we will also have a healthy nation,” sabi ni Nograles.
Sa huli, sinabi ni Nograles ang gobyerno
ay makakatipid ng bilyun-bilyong gastusin sa kalusugan ng publiko sa iba’t ibang karamdaman na may kaugnayan sa labis na katabaan, iba’t ibang uri ng sakit sa puso, altapresyon, at mataas na kolesterol na maaaring humantong sa stroke, metabolic syndrome, diabetes, at maging sa iba’t ibang uri ng kanser.
Sinabi ni Nograles na batay sa DOH Health Policy Notes, 40% ng mga namamatay sa bansa ay sanhi ng lifestyle disease.
“We have to invest in the health of our people by encouraging them to have a very active lifestyle. This could also encourage them to avoid disease-causing vices like smoking, alcoholism, and drug addiction. This will help us have a healthy and productive population,” dagdag pa ni Nograles.