DepEd at PS-DBM officials inirekomendang patawan ng kasong kriminal at administratibo

Si Senate Blue Ribbon Committee chair at Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino habang ipinakikita ang mga dokumento na nagpapatunay sa sabwatan umano ng mga opisyales ng Department of Education (DepEd) at PS-DBM kaugnay ng kuwestiyunableng laptop mess.

Ni NOEL ABUEL

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang paghahain ng patung-patong na kasong kriminal at administratibo laban sa ilang mga opisyales ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Department of Education (DepEd) dahil sa maanomalyang pagbili ng mga hinihinalang ‘overpriced at outdated’ laptops para sa mga guro sa pampublikong paaralan.

Base sa 197-pahinang ulat na inilabas ni Senate Blue Ribbon Committee chair at Senador Francis ‘Tol’ N. Tolentino nitong Huwebes, malinaw sa resulta ng imbestigasyon na ginawa ng Mataas na Kapulungan na may malaking iregularidad sa pagbili na higit sa 39,000 laptops noong 2021 at lumalabas na ito’y overprice ng hindi bababa sa P979 milyon.

Sa committee report na inilabas ng tanggapan ni Tolentino, sapat ang mga nakalap na ebidensya at testimonya kabilang na ang mga datos at rekomendasyon na galing sa Commission on Audit (COA) upang sampahan ng kaso ang mga sangkot na opisyales ng PS-DBM at DepEd ng paglabag sa Sec 3 (a), (e) at (g) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act (RA No. 3019); at Article 171 at 183 ng Revised Penal Code— falsification of public document at perjury.

Kabilang sa pinakakasuhan ng paglabag sa RA 3019 Section 3 (e) at pasasampa ng kasong kriminal at administratibo sina dating DepEd Undesecretary Alain del B. Pascua; Usec. Annalyn M. Sevilla; dating Asst. Sec. Salvador Malana III at Director Abram Y.C. Abanil.

Habang sa panig ng PS-DBM ay sina dating OIC Executive Director Lloyd Christopher A. Lao; dating OIC Executive dir. Jasonmer L. Uayan; BAC chairman Ulysses E. Mora kasama ang iba pang miyembro ng SBAC I at SBAC TWG at secretariat mula DepEd o PS-DBM; Engr. Marwan O. Amil.

Samantala, isa pang kaso ng paglabag sa RA 3019 Section 3 (g) ang kinakaharap ng mga opisyales ng DepEd na sina Pascua, Sevilla, at Malana habang sa PS-DBM sina Lao, Uayan at Mora.

Kasong paglabag naman sa Article 171 ng Revised Penal Code at isang kaso ng Falsification of Public Document by a Public Official at paglabag sa RA 3019 Section 3 (a) ang kinakaharap nina Sevilla, at dating Executive Sec. Alec Ladanga.

Multiple counts ng Perjury, sa ilalim ng Article 183 ng RPC as amended by RA no. 11594 ang kinaharap din nina Sevilla, Pascua, Malana, Lao, at Uayan.

Nilalaman din ng nasabing ulat na nilathala ng Blue Ribbon panel na ang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng mga namumuno noon sa PS-DBM at DepEd ay nagbigay daan at naging dahilan kaya nagkaroon ng iregularidad at nauwi sa pagbili ng pamahalaan sa mga overpriced subalit outdated na mga laptops para sa mga guro.

Dagdag pa ni Tolentino, laman din sa buod ng committee report ng laptop inquiry ang rekomendasyon ng mga miyembro ng kanyang komite na tuluyan nang buwagin ang PS-DBM at ang paghimok sa mga iba’t ibang sangay ng pamahalaan—kabilang na ang mga government-owned and controlled corporations (GOCCs), states universities and colleges (SUCs) at local government units (LGUs) na magsagawa na lamang ng kani-kanilang proseso pagdating sa procurement imbes na ito’y i-atang sa ibang ahensya.

Kabilang din sa iba pang rekomendasyon na ginawa ng komite ni Tolentino ang agarang pagsusog sa Republic Act No.9184 o ang Procurement Law upang mas palakasin ang transparency at accountability safeguards tuwing may bidding, lalo na sa mga malalaking proyekto.

Inaasahang isusumite ng tanggapan ni Tolentino ang resulta ng ginawang imbestigasyon ng kanyang komite sa Office of the Ombudsman, COA, Department of Justice (DOJ), Bureau of Immigration (BI), Anti-Money Laundering Council Secretariat, at iba pang sangay ng gobyerno na may kinalaman sa pagsugpo ng katiwalian ang kurapsyon.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s