
Ni NERIO AGUAS
Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Japanese national na wanted sa bansa nito kaugnay ng kasong extortion at telecommunications fraud.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip ng mga operatiba ng fugitive search unit (FSU) na si Yohhei Yano, 43-anyos, noong nakalipas na Enero 17 sa Guimbal Port, Iloilo.
Sinabi ni Tansingco na inaresto si Yano sa kahilingan ng mga awtoridad ng Japan sa Maynila na humingi ng tulong sa BI sa paghahanap sa pugante.
“He will be deported for being an undesirable alien, as he is a fugitive from justice,” ayon pa sa BI chief.
Ibinunyag ni BI-FSU chief Rendel Ryan Sy na naglabas ng warrant of arrest ang summary court sa Yakkaichi, Japan noong Agosto 4 noong nakaraang taon matapos ang kasong robbery at extortion na isinampa laban kay Yano sa nasabing korte.
Inihayag din ni Sy na si Yano ay iniimbestigahan dahil sa pagkakasangkot sa mga iligal na aktibidad ng isang Japanese syndicate na sinasabing nag-operate ng telecom fraud racket noong 2019.
“He is also an undocumented alien as his passport was already revoked by the Japanese government,” ani Sy.
Nakakulong ngayon ang dayuhan sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang nakabinbin ang deportation proceedings laban dito.