Pagrepaso sa polisiya sa OFW deployment iginiit

Sen. Bong Go

Ni NOEL ABUEL

Kasunod ng brutal na pagpatay sa isang 35-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, nananawagan si Senador Christopher “Bong” Go para sa pagrepaso sa mga patakarang namamahala sa deployment ng mga tinaguriang buhay na bayani.

Sa isang ambush interview matapos dumalo sa groundbreaking ng Super Health Center sa Kawit, Cavite noong Miyerkules, Enero 25, hinimok ni Go ang bagong itinatag na Department of Migrant Workers (DMW) na masusing subaybayan ang mga pangyayari sa kaso ng pagpatay kay Jullebee Ranara, na hinalay at sinunog bago itinapon sa disyerto ng 17-anyos na anak ng employer nito

“Pag-aralang mabuti at nandidiyan naman po ang Department of Migrant Workers. Kaya nga po mayroon tayong DMW para sila po ang mangasiwa, mag-aasikaso tuwing may ganitong problema,” sabi ni Go.

Si Go ay isa sa mga may-akda at co-sponsor ng bersyon ng Senado ng Republic Act 11641 na lumikha ng DMW na pinagsama-samang bersyon ng naunang panukalang inihain nito na naglalayong likhain ang DMW na titiyak sa epektibong paghahatid ng mga pangunahing serbisyo ng gobyerno para sa mga migranteng manggagawang Pilipino.

Samantala, ginunita ni Go na hindi ito ang unang pagkakataon na pinatay ang isang Pinay domestic worker sa Kuwait.

Aniya, noong 2019, ang Filipino household service worker na si Jeanelyn Padernal Villavende ay pinaslang din ng kanyang employer na Kuwaiti at noong 2018, natuklasan ang bangkay ng isa pang domestic worker na si Joanna Demafelis sa loob ng isang abandonadong bodega.

“Alam n’yo, hindi po nababayaran ang lungkot. Mas nanaisin nilang magtrabaho dito sa ating bansa. Ngunit kailangan nilang makipagsapalaran, magtrabaho sa ibang bansa para may maipadala sila rito sa kanilang pamilya at nakakatulong din po sa ating ekonomiya. Ngunit sila po ang nagiging biktima roon ng karahasan,” ayon sa senador.

Aminado si Go na labis itong nasasaktan sa nangyayari sa mga OFWs.

“Nasasaktan po ako. Pangalawang beses na po ito in three years na mayroon pong pinatay sa Kuwait. Dapat po panagutin ang dapat panagutin at tingnan nang mabuti ang kasunduan, tingnan nang mabuti rin kung sino ba ang employer, dumaan ba ito sa proseso, ‘yung pag-recruit ng mga kababayan natin,” dagdag pa nito.

Iginiit pa ni Go na noong Enero 2020, bilang tugon na pagpaslang kay Villavende, nagpalabas ng pansamantalang pagbabawal si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa deployment ng mga OFW sa Kuwait na kalaunan ay binawi

At noong Mayo 11, 2018, Isang memorandum of agreement ang nilagdaan ng Pilipinas at Kuwait matapos na tiyakin ng huli na tatapusin na ang mga nangyayaring paglabag sa karapatang pantao ng mga Kuwaiti employers sa mga Filipino workers.

“So sa ngayon po, dapat tingnan nating mabuti at hindi po dapat maulit ang mga ganitong pangyayari. Nasasaktan po tayo. So, imbestigahan nang mabuti at papanagutin po ang dapat papanagutin para hindi na po maulit muli ang ganitong pagkamatay ng ating kababayan,” sabi nito.

Leave a comment