
HINDI ko agad paniniwalaan ang impormasyong ipinarating sa inyong lingkod hinggil sa magkakasunod na pagpapalaya sa ilang detainees sa Bureau of Immigration (BI) sa pamamagitan ng paglalagak ng piyansa.
Kaya bago pa ito sumabog at pagpiyestahan ng media, magandang tawagan na natin agad ng atensiyon sina Justice Secretary Boying Remulla at BI Commissioner Norman Tansingco.
Ang pangit kasi ng ipinararating na impormasyon sa inyong lingkod na umaabot hanggang P2 million daw ang bentahan ng ‘bail’ sa BI ngayon.
Nagbabayad ng malaking halaga ang mga ‘fugitive’ para lamang sila makalaya mula sa Immigration Detention Cell sa Taguig City kahit pa dapat ay ‘for deportation’ na sila o ibabalik sa kani-kanilang bansa.
Ang masaklap, ilan sa pinagpipiyansa ngayon ay may mga matitinding kaso sa bansang kanilang pinagmulan.
Tulad nitong isang nagngangalang Wall Darren Mark na mula sa bansang Great Britain at itong overstaying na si Tan Jovelyn Ong, alyas Rong Chen Chen o alyas Chen Hongniang ng bansang China at si Renato Rivers Cuyco, Jr. na diumano’y may kaso ng ‘carnapping.’
Tatlo lamang sila sa mga pangalang babanggitin natin sa ngayon. Pero sinisiguro ko pong marami pa silang mga ‘fugitive’ na sunud-sunod na pinalaya kamakailan lang.
Muli, hindi ko sinasabing ‘confirmed’ agad ang mga kaso laban sa kanila.
Ngunit ‘the fact’ na may marka ang ilan sa kanila na ‘fugitive from justice,’ mukhang malaking sugal para sa pamahalaan ng Pilipinas na payagan silang makapagpiyansa.
Baka kasi maging pangit ang implikasyon nito para naman sa pakikipagrelasyon natin sa labas ng bansa.
Iyong isang fugitive ay na-televised pa ang pagkakahuli sa kanya. Iyong isa naman ay may kaso ng money laundering, carnapping at iba pa pang criminal offense.
Mga banyagang sa halip ipa-deport ay pinagpiyansa para lamang maging malayang gumawa ng kung anuman sa ating bansa.
Alam kong hindi papayag si Sec. Remulla sa mga akusasyong ganito.
Batid ko ring gagawa ng paraan si Commissioner Tansingco.
Ang balita ko kasi, masyadong maingat si Com. Tansingco sa mga operasyong nangyayari ngayon sa BI kaya pangit tingnan na may mga ganitong uri ng paratang sa kanyang administrasyon.
Sa sobrang ingat ni Com. Norman ay halos bilang na bilang sa daliri sa kamay ang malalaking operasyon ng BI ngayon para sugpuin ang mga ‘undesirable alien’ na nagkalat dito sa Pinas.
Noong panahon ni BI Commissioner Jimmy Morente ay wala kahit isang fugitive tayong nababalitaan na pinayagang makapagpiyansa.
Eh bakit ngayon, may mga ganitong uri ng reklamo at sumbong?
Umaasa na lang tayong gagawa ng aksiyon dito sina Sec. Remulla at Commissioner Tan-5!
Tama ba ako, House Minority Leader Marcelino Libanan?
***
Para sa anumang reaksyon at suhestiyon, maaaring tumawag o mag-text sa cell no. 09157412674
