
Ni NERIO AGUAS
Ipinatapon na ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Japanese nationals na sinasabing miyembro ng crime ring syndicate sa kanilang bansa.
Sa inilabas na pahayag ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinundo ng mga Japanese police ang mga kababayan nitong sina Fujita Toshiya 38-anyos at Imamura Kiyoto, 38-anyos, at dinala sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago isinakay sa Japan Airlines patungong Tokyo.

Ipinahayag ni Tansingco na naghanda ang BI ng maximum security para matiyak ang maayos na pagpapatapon sa mga high profile criminals.
Nabatid na kapwa tinukoy sina Fujita at Imamura ay wanted sa Japan dahil sa pagkakaroon ng mga warrant na inisyu laban sa kanila.
Si Fujita ay dinakip ng BI Fugitive Search Unit sa Barangay Anilao Proper sa Mabini Batangas noong Pebrero 21, 2021, at tinukoy ng mga Japan authorities bilang isang senior member ng isang organized fraud group, phone scam.
Isang warrant of arrest na inilabas laban dito sa Tokyo.
Habang si Imamura ay dinakip noong Disyembre 2019 ng BI nang tangkain nitong umalis ng bansa patungong Macau sakay ng Cebu Pacific flight kung saan may warrant of arrest na inilabas laban dito ng Japan.
Ipinatapon pabalik ng Japan ang dalawang dayuhan matapos na maibasura na ang kaso laban sa mga ito ng bansa.
“While the identity of “Luffy” is not yet confirmed, we are working with the Department of Justice and the Japanese authorities to be able to expedite the deportation to give more clarity to this case,” sabi ni Tansingco.
Ang dalawa pang pangunahing suspek ay nananatili sa pasilidad ng BI sa Bicutan habang hinihintay ang pagresolba ng kanilang mga lokal na kaso.
Sinabi ni Tansingco na agad na ide-deport ang dalawa pang Japanese nationals kapag nakatanggap ng kumpirmasyon na naresolba na ang kanilang mga kaso.
“The arrest and deportation of these fugitives is a huge win for the Philippine government, as we will not rest until these international criminals are sent back and banned from our country,” ayon pa kay Tansingco.