Prayer rooms sa mga gov’t building, mall at ospital ipinanawagan ng kongresista

Rep. Mujiv Hataman

Ni NOEL ABUEL

Inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang maglagay ng Muslim prayer rooms sa lahat ng gusali ng pamahalaan, ospital, mall at sa military camp.

Sa House Bill No. 7117 na inihain ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman, sinabi nitong ang populasyon ng Muslim, na ang bilang ay mula sa mahigit 6 milyon hanggang 12 milyon depende sa pinagmulan ng datos, ay bumubuo ng isang malaki at makabuluhang bahagi ng mamamayang Pilipino.

“Malaki ang populasyon ng mga Muslim hindi lang sa Mindanao kundi sa buong Pilipinas. Limang beses kami magdasal sa isang araw, at kadalasan challenge ang paghahanap ng lugar para dito,” paliwanag ng kongresista.

Ang Muslim prayer room ay itatayo sa bawat gusali ng gobyerno, ospital at kampo ng militar, gayundin ang mga pribadong establisimiyento tulad ng mga mall, pabrika at ospital.

“Ang pagdarasal ay mahalaga sa lahat ng relihiyon. Sa aming mga Muslim, ginagawa namin ito limang beses sa isang araw, nasaan man kami abutan. Kaya mahalaga na laging may lugar kung saan pwedeng magdasal ang mga kapatid nating Muslim,” sabi ni Hataman, dating gobernador ng ARMM.

Sa panukala, maliban sa ospital, kampo ng militar, mall, pabrika at mga gusali at pasilidad ng gobyerno, maaari aniyang dagdagan ang bilang ng mga prayer room kapag kailangan, at tutukuyin ng ahensyang nagpapatupad ng batas – ang National Commission on Muslim Filipinos (NCMF).

“As a predominantly Catholic country, many establishments and buildings – be it government-owned, private or for the benefit of the public – have chapels or prayer rooms that cater to the Catholic faithful. In hospitals, government buildings or even malls, there are always areas reserved for their worship,” nakasaad sa panukala.

“The Philippines’ Muslim population … forms a huge and significant part of our citizenry. It is therefore imperative for the free exercise of their Islamic faith that prayer rooms be also made available to them in government institutions and private establishments intended for public use,” dagdag pa ni Hataman.

Sinabi pa nito na mayroon nang mga prayer rooms sa ilang establisimiyento at malls sa buong bansa.

“Pero hindi lahat ay mayroon. Imbes na limitahan natin ang mga lugar na maaaring puntahan ng ating kapatid na Muslim, gawin nating mas accessible ang pagdarasal bilang bahagi ng kalayaan sa pagpapahayag ng aming pananampalataya,” ayon pa kay Hataman.

Leave a comment