Panukalang expanded 4Ps pasado na sa House committee

Ni NOEL ABUEL

Aprubado na ng House Committee on Poverty Alleviation ang panukalang para sa Expanded 4Ps Law na isinumite ng Technical Working Group sa pangunguna ni Tutok to Win party list Rep. Sam ‘SV’ Verzosa.

Layon ng nasabing panukala na magbigay ng dagdag tulong para sa mga adult beneficiaries ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

‘Kailangan gawin nating abot-kamay ang opportunities sa edukasyon, negosyo at trabaho. Dapat kasama pati ‘yung mga poorest sectors of society. Dapat may alternative learning systems tayo para matulungan sila. Kailangan natin silang maihanda for employment,” sabi nito.

Nagkaroon ng konsultasyon si Verzosa sa Samahan ng Nagkakaisang Pamilyang Pilipino (SNPP) at ilang government agencies at pinag-usapan ang pagbigay ng dagdag tulong para sa mga adult 4Ps beneficiaries.

Naglabas ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng latest reports tungkol sa economic growth ng Pilipinas.

Sabi ng PSA tumaas ng 7.6% ang gross domestic product (GDP) ng bansa noong 2022. Ito na ang second-highest growth rate pangalawa lang sa 8.8% economic growth rate na na-achieve noong 1976.

“Pero sa labas ng Batasan kahit saan tayo pumunta marami pa rin tayong makikitang mga kababayan nating Pilipino na naghihirap. Kaya natutuwa ako na aprubado na ng committee ang Expanded 4Ps Law na isang effective na paraan para maging inclusive ang economic growth natin at mas maraming Pilipino pa ang umasenso,” pahayag pa ng mambabatas.

Kasama sa amendments ng Expanded 4Ps Law ay para mas dumami at mabigyan ng skills trainings ang adult 4Ps beneficiaries sa pamamagitan ng non-formal education, employment, at entrepreneurship track.

Sa ngayon, may tinatayang nasa 4.2 milyon ang recipients ng 4Ps.

Kasama sa dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Social Welfare and Development (DSWD), National Anti-Poverty Commission (NAPC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Philippine Statistics Authority (PSA), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Leave a comment