
NI NOEL ABUEL
Nakatakdang magkaloob ng $100,000 financial assistance ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa bansang Turkey bilang humanitarian aid sa libu-libong nasawi at nasaktan sa nangyaring malakas na paglindol kamakailan.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang nasabing tulong pinansyal ay sa ilalim ng Speaker’s Disaster Relief and Rehabilitation Initiative na inilunsad noong ika-59 taong kaarawan nito noong Nobyembre 14.
Paliwanag ng lider ng Kamara, malaki ang utang na loob ng bansa sa Turkey dahil sa isa ito sa unang bansa na nagbigay ng tulong sa Leyte at sa maraming bahagi ng Eastern Samar nang manalasa ang Super Typhoon Yolanda o Haiyan noong Nobyembre 2013.
Ngayong araw nakatakdang i-turn over ang $100,000 assistance ni Romualdez kay Turkey’s Ambassador to the Philippines Niyazi Evren Akyol at sa asawa nitong si Inddri Puspitarasi sa pagbisita ng mga ito sa Batasang Pambansa complex sa Quezon City.
Magugunitang ang typhoon Haiyan ay isa sa pinakamalakas na tropical cyclones na naitala sa kasaysayan ng bansa kung saan mahigit sa 6,000 ang nasawi habang marami rin ang patuloy na nawawala at libu-libo rin ang nawalan ng tirahan.
“The assistance extended by Turkey, the United States and our allies and friends abroad helped ease the pain and suffering of our people,” sabi ni Romualdez.
Ang Disaster Relief and Rehabilitation Initiative, P70.92 milyong cash at pledges ang ipinamahagi sa disaster victims at ang mga biktima ng sunog sa Navotas ang kauna-unahang naging benepisyaryo nito at sinundan ng mga biktima ng pagbaha sa Mindanao at Visayas.
Gayundin, noong Nobyembre, nakalikom ang Kamara P49.2 milyong cash contributions at pledges at in-kind donations tulad ng kumot, food items, at toiletries mula sa mga mambabatas at pribadong indibiduwal dahil sa pananalasa naman ng bagyong Paeng.
Ang kontribusyon ay umabot na sa P120 milyon kabilang ang assistance sa mga biktima ng typhoon Paeng.
