

Ni NOEL ABUEL
Nangako si OFW part list Rep. Marissa “Del Mar” Magsino na lalabanan nito ang mga illegal recruiters at labor traffickers na nambibiktima sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ito ang sinabi ni Magsino kung saan bilang unang hakbang ay kinausap nito ang ilang ahensya ng pamahalaan, recruitment agencies at maging ang mga naging biktima ng illegal recruitment at labor trafficking upang makagawa ng naaayong hakbang laban sa mga illegal na gawain.
Inorganisa ng OFW party list ang policy dialogue dahil sa lumalaking problema ng illegal recruitment at human trafficking, lalo na ang labor trafficking ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga online at ng multi-country transit scheme.
Tatlong biktima ng illegal recruitment na pinauwi mula sa Laos at Myanmar ang dumalo sa policy dialogue para isalaysay ang kanilang karanasan sa lugar na binansagang Golden Triangle.
Isinalaysay ng mga biktima na nilapitan ang mga ito ng mga recruiter sa online kung saan nakumbinse ang mga ito at naglakbay sa Laos at Myanmar sa pamamagitan ng Thailand at pagkatapos ay pinilit na magtrabaho bilang mga scammer ng sindikato ng cryptocurrency.
Dalawa sa mga biktima ang nakaranas ng pisikal na pananakit ng limang lalaki nang magpahayag ng kanilang pagnanais na umuwi ng bansa.
Isa sa mga biktima ay buntis at dumanas din ng pangunguryente at ginutom ang mga biktima nang hindi matugunan ang kanilang quota.
Dahil sa detalyadong salaysay ng mga biktima ay nakatulong sa mga kalahok sa forum na matukoy ang administratibo at mga policy GAO’s sa mga kasalukuyang sistema.
Sa datos ng Bureau of Immigration (BI), mula Enero 29, 2023, 7 Filipinos, na pawang kababaihan ang naharang na makaalis ng bansa matapos mdiskubreng patungo ang mga ito sa Iraq para magtrabaho bilang utility workers.
Sinasabing 30 Filipino na ang nag-recruit ng mga illegal recruiters sa kung saan sa datos din ng Department of Foreign Affairs (DFA) nasa 8 Filipino ang naging biktima sa Myanmar noong Pebrero 13, 2023.
Sa tulong ng OFW party list, at ng Department of Migrant Worker (DMW) at DFA, nasagip ang 8 distressed OFWs sa Laos at isa pang OFW mula sa Indonesia ang naging biktima ng illegal recruiters.
“As the lone representative of the OFW Sector in the 19th Congress, the only female legislator to have represented our OFWs, and the Chairlady of Anti-Trafficking OFW Movement (ATOM), it is incumbent upon me to fight these illegal recruiters and traffickers to the very end. Ang daming kababayan natin ang naloko at naghirap dahil sa matatamis na pangako ng mga illegal recruiters pero kapahamakan ang kinahinatnan nila,” ayon pa kay Rep. Magsino.
Kabilang sa mga natukoy na lugar ng pag-aalala ay ang kawalan ng hurisdiksyon para usigin ang illegal recruitment na ginawa online at ginawa sa ibang bansa, ang pangangailangan para sa isang tiyak at komprehensibong batas sa illegal recruitment at labor trafficking, ang pangangailangan na muling magtipon ang Presidential Task Force Against Illegal Recruitment (PTFAIR), at ang pangangailangan para sa mas malakas na multi-lateral na koordinasyon sa mga dayuhang awtoridad sa Timog Silangang Asya upang labanan ang transnational crime
“Sa mga illegal recruiters, kabahan na kayo kasi hindi namin kayo tatantanan hanggang hindi nasusugpo ang inyong iligal na gawain,” babala ni Magsino.
