
NI NOEL ABUEL
Nadagdagan muli ang bilang ng mga miyembro ng Lakas-CMD makaraang manunpa ang nasa 200 dating lokal na opisyal mula sa Davao de Oro at Davao del Norte.
Pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Vice President Sara Duterte ang mass oath taking ng mahigit 200 bagong miyembro ng nasabing partido.
“I’m glad that you are here with us and that you have joined the party,” sabi ni Romualdez, ang pangulo ng Lakas-CMD, sa oath taking rites na isinagawa sa Tagum City Historical and Cultural Center sa Tagum City, Davao Del Norte.
Ipinagmalaki pa ni Romualdez na ang Lakas-CMD ay nagkaroon na ng dalawang pangulo ng bansa at ngayon ang nangingibabaw na partidong pampulitika sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at binanggit sa mga bagong miyembro na nasa magandang sitwasyon.
At dahil sa dumarating miyembro ng nasabing partido, sinabi ni Romualdez na ang partido ay gaganap ng napakahalagang papel sa pagsuporta sa Prosperity Agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
Sinabi pa ni Romualdez na pinagtibay na ng Kongreso ang medium-term fiscal framework ng Chief Executive na nilalayong himukin ang momentum ng post-pandemic economic recovery ng bansa.
“Maraming, maraming salamat for your attendance and participation and now your involvement with Lakas,” ani Romualdez.
Kasama sa mga naging saksi sa oath taking ang Lakas-CMD Executive Committee, kabilang si Duterte, ang party’s chairperson; dating Pangulo at ngayo’y Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo, House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, at Capiz Gov. Fredenil Castro.
Gayundin sina Davao Oriental Rep. Nelson Dayanghiran, Davao Del Norte Rep. Aldi Dujali, Davao del Norte Vice Gov. Carlo “Oyo” Uy, Davao de Oro Vice Gov. Tyron Uy, Tagum Mayor Rey Uy, Monkayo Mayor Manuel ”Way Kurat” Zamora, dating Davao del Norte Govs. Rodolfo Del Rosario at Anthony del Rosario, at si dating Davao de Oro Gov. Arturo Uy.
Daan-daan ding mga barangay chairman mula sa iba’t ibang lugar sa Davao de Oro at Davao del Norte ang sumaksi sa mass oath-taking ng mga bagong miyembro ng partido.
Sa kasalukuyan ay nasa mahigit sa 3,000 ang bilang ng mga miyembro ng Lakas-CMD sa buong bansa.
