Mahihirap na pamilya sa Calamba City tinulungan ni Sen. Bong Go

Masayang mga bata: Kita sa larawan ang ngiti sa isang bata na nakatanggap ng regalo kay Senador Christopher Bong Go.

Ni NOEL ABUEL

Muling pinakita ni Senador Christopher “Bong” Go ang kanyang pangako na tulungan ang mga mahihinang sektor sa gitna ng mga kasalukuyang hamon na kinakaharap ng bansa habang naghahatid ng tulong sa mga naghihirap na pamilya sa Calamba City, Laguna noong Miyerkules, Pebrero 15.

“Ako naman po, gusto kong makatulong sa inyo, makapagbigay ng solusyon sa inyong mga problema, makatulong sa mga proyekto rito, at makapag-iwan po ng kaunting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati,” sa kanyang mensahe sa mga biktima.

“Tao lamang kami, napapagod rin po kami. Pero ‘pag nakikita namin kayong masaya, nawawala po ang aming pagod. Iyon po ang totoo,” dagdag nito.

Personal na binigyan ni Go at ng kanyang mga tauhan ang pamamahagi sa Laguna Provincial Capitol-Extension kung saan namigay ang mga ito ng mga food packs, maskara, meryenda, at bitamina sa kabuuang 396 na mahihirap na residente.

Namigay din ito ng bisikleta, pares ng sapatos, cellular phone, relo, kamiseta, at bola para sa basketball at volleyball sa mga piling indibidwal.

“Bagama’t boluntaryo na po ang pagsuot ng face mask, hindi natin alam kung sino ‘yung may dalang sakit sa ating mga pamamahay. Kaya mas maiging magsuot pa rin tayo kung hindi naman po sagabal sa inyong parte, ‘di ba?” giit ni Go.

Aniya, bilang chairman ng Senate Committee on Health and Demography, binigyang-diin nito ang pangangailangan para sa mga karapat-dapat na residente na mabakunahan at mapalakas laban sa COVID-19 upang mas mapangalagaan ang kanilang sarili at ang kanilang komunidad mula sa virus.

“At tsaka magpabakuna kayo dahil ang bakuna lamang po ang tanging susi para unti-unti tayong makabalik sa normal na pamumuhay. Ngayon, may naibabalita na bagong variant na Kraken, pero ‘pag bakunado kayo, mas protektado po kayo mula sa sakit na COVID-19. Magpabakuna na ho kayo, magpa-booster na po kayo ‘pag qualified na po kayo. Libre naman ito at pinaghirapan ito ng ating gobyerno,” apela ni Go.

Pnayuhan din ni Go ang mga residente na humingi ng serbisyo ng Malasakit Centers sa lalawigan na matatagpuan sa Laguna Medical Center sa Sta. Cruz at San Pablo City General Hospital sa San Pablo City.

“Ako po ang chair ng Committee on Health sa Senado. Ang aking advocacy po ay health. I-improve ‘yung healthcare system natin, karagdagang mga specialty center. ‘Yung mga Malasakit Center po, mayroon na tayong 154 na Malasakit Center sa buong Pilipinas na handang tumulong po sa inyo,” ayon sa senador.

Leave a comment