
NI NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American pedophile na wanted sa bansa nito kaugnay ng pangmomolestiya sa isang paslit dalawang dekada na ang nakalilipas.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nadakip na dayuhan na si Francisco Gomez, 62-anyos, na naaresto sa Ermita, Manila noong nakaraang Pebrero 9 ng mga operatiba ng bureau’s fugitive search unit (FSU).
Nabatid na isang mission order ang inilabas ni Tansingco matapos ang hiling ng US authorities sa Manila na mahanap si Gomez para papanagutin sa kasong kinakaharap nito sa Milwaukee, Wisconsin.
Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, may inilabas na warrant of arrest ang circuit court sa Milwaukee, Wisconsin laban kay Gomez na may petsang Pebrero 26, 2003 dahil sa kasong sexual assault sa isang bata.
Sinasabing nagawang makatakas ng nasabing dayuhan sa US at noong Oktubre 6, 2006 nang magtungo ito sa Pilipinas at simula noon ay hindi na muli pang umalis ng bansa.
Kinansela na rin ng State Department ang US passport ni Gomez kung kaya’t itinuring itong undocumented alien.
“We will deport him as soon the BI board of commissioners issues the order for his summary deportation after which he will be blacklisted and banned from re-entering the country,” sabi ni Tansingco.
Kasalukuyang nakadetine sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dayuhan habang inihahanda ang deportation proceedings laban dito.
