Ang untouchable na grupo ni Michael Ma at ang mga pinalusot na kontrabando sa BOC!

MAY nag-text sa atin mula sa mobile number 0917792….
Ang tanong n’ya ay ano raw ba ang nangyari at bakit si Bienvenido Rubio ang naging commissioner ng Bureau of Customs (BoC) at ano na ba ang nangyari kay retired PNP General Noel Estanislao.
Una, kapangyarihan ni President Ferdinand Marcos Jr. kung sino ang gusto niyang ipuwesto sa pamahalaan.
Ikalawa, ‘qualified’ naman si Rubio, tulad ni dating Task Force Jericho chief Noel Estanislao.
Talaga lang yatang mas malupit ang naging padrino ni Rubio na isang mataas na opisyal ng Kongreso.
Ang huling ‘Marites’ natin ay baka hirangin pa rin si Estanislao, bilang Customs deputy commissioner.
Ito namang si Rubio, bukod sa nakakuha ng padrino sa isang Top Official ng House of Representatives ay may-back up din ng tatlong kamote sa BoC.
Ang tatlong kamote na ating tinutukoy ay manok naman ng isang maimpluwensiyang grupo.
Ang problema lang, markado ang tatlong kamoteng ito kay Pangulong Marcos kaya nahihirapan si maimpluwensiyang grupo na bigyan sila ng mas magandang puwesto sa BOC.
Ang siste, dahil tao lang ng tatlong kamote si Rubio, isa sa mga ito na may initial na VB, ay nagpaplano na lang na maging chief of staff nito.
Kaya kapag nangyari ito, malamang ay maging ‘tau-tauhan’ o ‘de-susi’ lamang nila si Rubio!
Huwag naman!
***
Balikan ko iyong topic natin nu’ng nakaraan kung bakit mas pinag-initan ng mga taga-BOC, PNP-CIDG ang mga bodegang nasa labas na ng Customs.
At bakit piping-tahimik sila sa mga agri-smugglers na pinangalanan ni Cong. Horacio Suansing Jr., (Sultan Kudarat, 2nd District) na sina Michael Ma, Lujene Ang, Andrew Chang, Beverly Peres, isang nagngangalang “Aaron,” Manuel Tan, Leah Cruz, Jun Diamante, Lucio Lim at Gerry Teves.
Dahil ba si Michael Ma ay kasosyo ng maimpluwensiyang pamilya?
Eh bakit ang mga negosyanteng may mga dokumento naman ang kanilang pinag-iinitan.
Para sa kaaalaman ni BOC chief Rubio, karamihan sa mga bodegang ipinasara ng grupo nina BOC Intelligence Officer 3 Alvin Enciso at 37 iba pang operatiba ay may mga dokumento, base sa sumbong ng mga naapektuhang negosyante.
Karamihan sa mga produktong nasa kanilang bodega ay may mga import permit at iba pang dokumento.
Uulitin ko uli ang punto de vista ko.
Kung illegal man ang naturang produkto, hindi makakarating ‘yan sa mga naturang bodega kung hindi pinasulot sa Customs mismo!
Ibig sabihin, ang ugat ng problema ay sa loob mismo ng BOC!
Saan ka nakakita na hindi puwedeng hulihin DAHIL SA LAGAY ang mga kontrabando sa loob ng Customs, pero kapag pinalusot na ay puwede nang hulihin sa labas ng Customs!
This is only in the Philippines, mga kababayan!
Only in the Philippine na kapag super bigtime agri-smuggler na katulad nina Michael Ma ay hindi kayang hulihin pero ang mga negosyanteng naghahanapbuhay at nakatutulong sa ekonomiya at pagbibigay trabaho sa ating mga kababayan ay sila pa ang pinag-iinitan!
Parang nawawala na yata ‘yung pag-asa at esensiya ng taumbayan na ‘Sama-Sama Tayong Babangon Muli’, dahil iilan lang ang bumabangon sa kalolokohan tulad nina Michael Ma.
Samantalang ang mayoryang Pinoy ay Sama-Samang Nakalubog Muli!
***
Para sa anumang reaksyon o suhestiyon, tumawag o mag-text sa cell no. 0915 7412674.
