“Pilipino ang dapat humusga sa kapwa Pilipino” — solon

Sen. Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Muling iginiit ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang pagtutol sa pakikialam ng International Criminal Court (ICC) sa domestic affairs ng Pilipinas.

Sinabi pa ng senador na ang mamamayang Pilipino ang dapat humatol sa epekto ng digmaan ng nakaraang administrasyon sa ilegal na droga at hindi sa mga dayuhan.

“Kayo ang humusga, ang Pilipino ang dapat humusga, kung nakakalakad ba tayo ngayon sa gabi na hindi nasasaktan at hindi nababastos, ang ating mga anak na hindi sinasaktan ng mga drug addict. Pilipino ang dapat humusga, hindi mga banyaga,” sa ambush interview kay Go sa pagpapasinaya nito sa Super Health Center sa Rizal, Nueva Ecija.

Nagpahayag ng pasasalamat si Go sa kanyang mga kapwa senador partikular kina Senador Robinhood Padilla, Senador Jinggoy Estrada, Senador Francis Tolentino at Senador Ronald dela Rosa sa pagtatanggol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Binigyan-diin ng senador ang kahalagahan ng pagprotekta sa soberanya ng bansa at ang integridad ng sistema ng hustisya nito.

“Ako po, nag-co-author din po ako doon sa Senate Resolution No. 488 defending former President Rodrigo Duterte from investigation or prosecution by the ICC. Alam n’yo, dapat Pilipino po ang dapat humusga sa Pilipino. May judicial system naman po tayo na nirerespeto natin at pinagkakatiwalaan,” giit p nito.

Si Padilla ang may akda ng SRN 488, na nagsasaad na naniniwala si dating Pangulong Duterte na laganap, seryoso, at talamak na problema sa iligal na droga sa bawat sulok ng bansa.

Sa Kamara, inihain ang House Resolution No. 780, ni dating Pangulo at ngayon ay Senior Deputy House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, kasama ang 18 iba pang mambabatas.

Samantala, naghain si Estrada ng SRN 492, na nagsasaad ng matinding pagtutol ng Senado ng Pilipinas sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng ICC sa mga umano’y krimeng ginawa sa teritoryo ng Pilipinas kaugnay ng kampanya sa war on drugs ng administrasyong Duterte.

Leave a comment