
Ni NOEL ABUEL
Tiniyak ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang solidong suporta ng Mababang Kapulungan ng Kongreso para sa mas pinaigting na kampanya ng mga awtoridad sa pagpapatupad ng batas laban sa krimen upang matiyak ang kaligtasan ng taumbayan.
Ginawa ni Romualdez ang anunsyo kasunod ng closed-door meeting sa Kamara kasama si Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos, at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. sa gitna ng mga kamakailang insidente ng karahasan na may kaugnayan sa baril laban sa ilang lokal na opisyal at kaawa-awang sibilyan.
“Nakausap ko si Presidente (Ferdinand Marcos) kanina [sa Cebu] at natuwa siya na binibigyan nating pansin ang nangyaring krimen recently,” sabi ni Romualdez.
Kapwa iniulat nina Abalos at Azurin kay Romualdez na bumaba ang bilang ng krimen sa kabila ng mga high-profile na insidente ng krimen kamakailan.
“We gave Sec. Abalos and Gen. Azurin our assurance that the House of Representatives would be open to providing the PNP with adequate funding support and other resources—as well as new legislation if necessary– to buttress the campaign against crime, which is our shared concern,” sabi pa ni Romualdez.
Kasama rin na dumalo sa pagpupulong sina House Majority Leader Mannix Dalipe, House Minority Leader Marcelino Libanan, Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, Deputy Speaker Aurelio Gonzales, Navotas Rep. Toby Tiangco, Camiguin Rep. Jayjay Romualdo, at Agusan del Norte Rep. Joboy Aquino II.
Habang sina Abalos at Azurin ay kasama sina Chief of Directorate for Investigation and Detective Management Maj. Gen. Eliseo Cruz, NCRPO Chief Maj. Gen. Edgar Alan Okubo, at Deputy Chief for Operations Maj. Gen. Jonnel Estomo.
Sumang-ayon si Romualdez sa pangangailangan ng isang pinaigting na hakbang laban sa kriminalidad na kinabibilangan ng patuloy na pagsugpo sa mga iligal na baril at pagtaas ng police visibility sa buong bansa kasama ang patuloy na mga programa para sa pinabuting kakayahan sa pangangalap ng intelligence at pagsasanay ng mga pulis.
Nanindigan si Romualdez na ang pagsisikap na pigilan ang insidente ng krimen, lalo na ang karahasan na may kinalaman sa baril, ay dapat magsimula sa mahigpit na pagpapatupad ng batas.
“Let us ensure that the law is carried out strictly, without fear or favor. We are here to address all possible threats to public order and safety. We agreed to work together to reduce all forms of criminality and violence,” pahayag pa nito.
Gayunpaman, binigyan-diin ni Romualdez ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan sa pagitan ng mga lokal na komunidad at ng pamahalaan upang matiyak ang tagumpay ng kampanya laban sa krimen.