NLEX Candaba viaduct handa na sa Holy Week

Ni NOEL ABUEL

Tiniyak ng operator ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na ang 6.8-kilometrong Candaba viaduct highway ay magiging ganap na bukas sa trapiko sa darating na Semana Santa sa Abril 3-9.

Ito ang sinabi ng mga opisyal ng NLEX Corp. sa inter-agency consultative meeting na pinangunahan ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio Gonzales Jr. sa Kamara noong Lunes ng hapon.

“We will finish retrofitting the southbound lane of the viaduct next month. All lanes of NLEX will be open for Holy Week,” ayon kay NLEX Corp. vice president Jennifer Jane Go.

“That’s good news to my constituents and my kabalen in Pampanga, and to thousands of motorists who traditionally go to tourism and vacation sites in northern Luzon throughout the Lenten period, and to those from the north who will drive to Metro Manila and southern Luzon,” tugon naman ni Gonzales.

Aniya, tulad ng mga nakalipas na panahon, tuwing sumasapit ang Holy Week ay nagiging masikip ang NLEX dahil sa pagdagsa ng mga sasakyan at turista.

Sa loob ng maraming buwan, tuluy-tuloy ang pagre-retrofit ng expressway operator-concessionaire sa viaduct ng Candaba at upang bigyan-daan ang pagsasaayos, isang southbound lane ang sarado, habang ang isang lane sa northbound side ay nagsisilbing counterflow lane para sa mga sasakyang patungong southbound.

Sa nagsabing pagpupulong, sinabi ng mga opisyal ng NLEX Corp. sa pangunguna ni senior vice president Romulo Quimbo na ang pagtatayo ng ikatlong Candaba viaduct ay magsisimula sa Mayo at matatapos sa Disyembre sa susunod na taon.

Sinabi nito na ang ikatlong tulay ay itatayo sa pagitan ng dalawang kasalukuyang mahabang southbound at northbound span.

Aniya, iginawad na ng NLEX Corp. ang kontrata para sa karagdagang tulay sa international contractor na Leighton Asia.

Giit ni Gonzales, na isang engineer, na ang isang bagong viaduct o isang bagong highway ay kailangang-kailangan dahil ang kasalukuyang imprastraktura ay nasisira na dahil sa edad at patuloy na paggamit at pagdaan ng mga mabibigat na kargada.

Leave a comment