Pagsusuot ng bodycams ng OTS personnel iginiit ng kongresista

Rep. Ralph Recto

Ni NOEL ABUEL

Inirekomenda ng isang kongresista sa Department of Transportation (DOTR) na bigyan ng body camera ang mga OTS personnel at airport security sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at iba pang paliparan sa bansa.

Ayon kay House Deputy Speaker at Batangas Rep. Ralph Recto, dapat na isaalang-alang ng DOTR ang pagbili ng mga body camera para sa mga tauhan ng OTS na namamahala sa mga x-ray machine at iba pang mga nagbabantay sa mga checkpoint sa paliparan malapit sa mga pasahero.

Aniya, ang nasabing device ay makakahadlang sa mga mandurukot na naka-uniporme at kasabay nito ay iiwas ang mga bastos na pasahero na nangha-harass sa mga tauhan ng paliparan na gumagawa lang ng kanilang tungkulin.

“May footage habang binubuksan ang isang bag na may kaduda-dudang laman. At may resibo kung ang bag naman na iyon ay inatake ng Salisi gang na naka-uniporme.

Sinabi pa ng mambabatas na hindi maaaring magsabi ang DOTR at ang Office of Transportation Security na walang kakayahang makabili ng bodycam, isang aparato kahit na ang mga delivery driver ay kayang bumili nito.

“Ang X-ray machines ay parang toll gate. Bawat pasaherong dumadaan ay bayad ng P60 na Airport Security Fee kung sasakay ng international flights at P15 kung domestic. Dahil ang ASF ay naka-tuck-in sa ticket ng eroplano, kaya walang malay ang mga pasahero na bayad na sila sa takilya ng OTS,” sabi ni Recto.

“Kaya naman ang gross allotment or budget ng OTS ay lampas P1 bilyon bawat taon. In 2021, P331 million ang appropriated ng Congress, may konting automatic appropriations, at ang pinakamalaki ay ang P693 million mula sa ASF at ibang port usage fees,” dagdag nito.

Sinabi ng mambabatas na batay sa ulat may balanse na P207 million ang ASF dividends ng OTS.

“Pwede itong pambili ng bodycam, marami nang mapapakyaw – huwag lang ipadaan sa Pharmally,” sabi pa nito.

Leave a comment