
Ni NERIO AGUAS
Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) na naharang ng mga operatiba nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang dalawang dayuhan dahil sa pagkakaroon ng mga huwad na dokumento at sa kabila ng pagkakaroon ng criminal records.
Sa isang pahayag, sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na ang mga naarestong dayuhan ay isang Chinese national at isang Japanese national na naharang sa NAIA sa magkahiwalay na okasyon.
Kapwa nakakulong sa BI detention facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig ang nasabing mga dayuhan habang nakabinbin ang deportation proceedings laban sa mga ito.
“We commend our personnel at the airport for their continued vigilance in guarding our borders against the entry of undesirable aliens. They are doing a splendid job as gatekeepers of our country,” ayon sa BI chief.
Pebrero 13, nang maaresto ang Chinese na kinilalang si Wang Yiwei matapos dumating sa bansa sakay ng Air Asia flight mula Bangkok kung saan natuklasan na wanted ito sa China dahil sa pagkakasangkot sa illegal gambling.
Habang noong Pebrero 22, ang Japanese national na nakilalang si Yuki Nakamata ay nasabat bago pa makaalis ng bansa patungo sa Singapore.
Nabatid na si Nakamata ay subject ng deportation case sa BI at sinasabing fugitive wanted sa Japan.
