
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang kahalagahan ng seryosong pagtugon sa mga isyung inilabas ng mga jeepney driver at operator sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program.
Sa pagpupulong ng House Committee on Transportation kung saan iniharap ng Department of Transportation (DOTr) ang sitwasyon ng pagpapatupad ng PUV modernization program, ipinunto ni Lee na hindi ito dapat ipatupad nang madalian dahil magreresulta ito sa pagkawala ng kabuhayan ng maraming tsuper at operators ng pampasaherong PUV.
“The transport sector is not only a public service but most importantly, a source of livelihood. Napakarami nating kababayan ang umaasa sa kabuhayang ito,” sabi ni Lee.
“6 years, 6 extensions and one pandemic have passed since the launch of this program but the dominant and critical issues are still the same. Maingat po natin dapat solusyunan ang problema ukol sa modernization, which we should welcome primarily for the sake of the environment,” dagdag pa ng mambabatas mula Sorsogon
Umapela si Lee sa gobyerno na tugunan ang mataas at hindi abot-kayang halaga ng mga makabagong jeepney, at sinabing hindi kayang bumili ng bagong jeepney na nagkakahalaga ng P1.6-2.3 milyon ang isang jeepney driver o operator na kumikita ng humigit-kumulang P600-750 kada araw lamang.
“We should provide an acceptable paying scheme which must be just, fair and humane. They should be allowed to pay for a modern jeepney in 10 to 15 years instead of 7 years or the government can provide a higher and adequate subsidy. Ma-a-address po natin dito yung problema at malaking pangamba na malulubog ang mga driver at operator sa utang sa pagkuha ng bagong unit,” paliwanag pa ni Lee.
Sa nasabing pagpupulong ng DOTr, hiniling ng mambabatas sa ahensya na magkaroon ng isang disenyo, na kahawig ng iconic na estilo ng tradisyunal na jeepney, na maaaring gawin ng mga lokal at foreign manufacturers at makipagkumpitensya sa pagbebenta sa merkado.
“Mahalaga po na ma-retain ang iconic design ng traditional jeepney dahil nakatatak na ito bilang bahagi ng ating kultura at identidad. Mahirap naman kung iba-iba ang hitsura ng jeepney. ‘Yung nakikita kasi natin ngayon na pumapasada, hindi naman mukhang jeepney, kundi mas mukhang mini bus. Huwag nating hayaang mawala ang iconic design ng jeepney tulad ng pagkawala ng mga kalesa,” panawagan pa ng kongresista.
“Then we can mass produce our iconic jeepney with the necessary upgrades that can create a new industry na pwede pa natin ma-export pagdating ng panahon,” ayon pa dito.
Iginiit din ni Lee na ang isang indibidwal na driver o operator na hindi gustong maging bahagi ng isang kooperatiba/consolidation ay dapat payagang magpatuloy sa kabuhayang ito nang hindi kinakailangang magparehistro bilang isang solong korporasyon dahil nangangailangan ito ng mahigpit at mabigat na mga kinakailangang malaking pondo.
“Tulad ng panawagan natin noon sa nakaraang budget deliberation, hindi dapat apurahin ang implementasyon ng PUV modernization. Hindi ito dapat maging mabigat na pasanin sa mga driver at operator pati na sa ating commuters para Winner Tayo Lahat,” ayon pa kay Lee.