

Ni NERIO AGUAS
Bumagsak na sa kamay ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawa pang Japanese nationals na kabilang umano sa ‘Luffy’ case noong nakalipas na Marso 10.
Ayon kay Commissioner Norman Tansingco nadakip sa BF Homes sa Parañaque City ang nasabing mga dayuhan ng mga operatiba ng Fugitive search unit (FSU).
Ibinahagi ni Tansingco na nakatanggap ang BI ng impormasyon mula sa mga awtoridad ng Japan na ang dalawa ay may standing warrants of arrest na inisyu ng Tokyo Summary Court noong Setyembre 2022 para sa kasong pagnanakaw na paglabag sa Japanese Penal Code.
Kinilala ni BI FSU Chief Rendel Ryan Sy ang mga Japanese nationals na sina Fujita Kairi, 24-anyos at Kumai Hitomi, 25-anyos.
“This is a major breakthrough in the case, as we have finally arrested more suspects involved in this major case in Japan. They will finally be facing their crimes in their homeland,” sabi pa ni Tansingco.
Magugunitang naging kontrobersiya ang kaso noong nakaraang buwan matapos ang isang gang na may lider na kilala lang bilang ‘Luffy’ ay gumawa ng sunud-sunod na marahas na krimen sa Tokyo habang nakakulong sa BI jail facility sa Bicutan, Taguig.
Pinamumunuan ito ni Yuki Watanabe, na una nang nai-deport ng BI noong Pebrero 8 pabalik ng Japan.
Ayon pa sa BI, sina Fujita at Kumai ay tinuring nang undesirable aliens at inilipat na sa BI facility sa Bicutan.