
Ni NOEL ABUEL
Naghain ng panukalang batas si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magsisiguro ng pagkakaroon ng eksklusibong polling precincts para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) tuwing araw ng halalan.
Aniya, bagama’t mayroon nang batas na nagtitiyak ng presinto para sa mga PWDs at senior citizens, kailangang maging mas malinaw sa batas ang pagtatatag ng mga kinakailangang imprastraktura upang siguruhin na maginhawang makaboboto ang mga miyembro ng vulnerable sector.
Iminungkahi ni Estrada na amiyendahan partikular na ang isaad sa Section 2 (j) ng RA 10366 o ang “An Act Authorizing the Comelec to Establish Precincts Assigned to Accessible Polling Places Exclusively for PWDs and Senior Citizens” na ang mga espesyal na lugar ng botohan ay dapat madaling mapuntahan ng pampublikong transportasyon, walang anumang pisikal na hadlang at may mga kinakailangang imprastraktura at serbisyo tulad ng rampa, railing, bangketa, sapat na ilaw, bentilasyon at iba pa para sa mga PWD at senior citizen.
Nais din aniyang mailagay ang mga espesyal na presinto ng botohan sa mga pampublikong paaralan, bulwagan ng bayan o plaza, civic centers, community centers o iba pang katulad na lugar na makakatugon at makakatiyak ng kanilang kaligtasan at kaginhawahan.
Sa kabila ng pagkakaroon ng nasabing batas, iginiit ni Estrada na maraming senior citizens ang patuloy na nawawalan ng karapatan sa pagboto.
Inihalimbawa pa nito ang halalan noong 2019, na tatlong porsyento lamang o 200,000 sa walong milyong rehistradong botante na mga senior citizen ang aktwal na nakaboto.
“Ang mababang bilang ng bumoto sa sektor na ito ang nagbibigay diin sa kahalagahan at pangangailangan na pagtibayin ang batas na tinitiyak ang access sa ating mga polling precincts,” aniya.
“Sa huli, ang batas na ito ay naglalayon na protektahan ang konstitusyunal na karapatan ng bawat botante na bumoto at itaguyod ang partisipasyon ng mas nakararami sa tuwing may halalan,” sabi ni Estrada.
Idiniin pa nito na layon ng batas na matiyak na maisasakatuparan ang karapatan ng bawat botante sa pakikilahok sa pulitika ng walang diskriminasyon, paghihigpit o limitasyon.