
Ni NOEL ABUEL
Sa gitna ng nakabibinging pananahimik ng administrasyong Marcos Jr. sa isyu ng sahod, inihain ng militanteng mambabatas at iba’t ibang organisasyon ng manggagawa ang panukalang batas na humihiling ng P750 across-the-board wage hike.
Sa House Bill 7568 na inihain ng Gabriela party list, ACT party list, at Kabataan party list, naglalayon itong mag-atas ng P750 across-the-board at nationwide increase sa salary rate ng mga empleyado at manggagawa sa mga negosyong pang-agrikultura at hindi pang-agrikultura sa pribadong sektor upang makamit ang isang buhay na living wage.
Ayon kay Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s party Rep. Arlene Brosas, na ang panawagan ng mga manggagawa na P750 wage increase ay naaayon sa kasalukuyan.
“This yawning average minimum wage-family living wage gap of P750 across regions starkly represents the vast sea of unfulfilled basic necessities of ordinary Filipino families, which the national government should urgently address through substantial wage increases amid historic inflationary surges,” sabi nito.
“Tumataas ang tubo ng mga kumpanya tapos may savings pa sa mas mababang buwis sa ilalim ng CREATE Law, ngunit hindi naman tumataas ang sahod ng mga manggagawa,” dagdag pa ni Brosas.
Nabatid na base sa BusinessWorld Top 1000 Corporations in the Philippines report, ang aggregate gross revenue ng mga top companies ay tumalon ng 17.5 porsiyento noong 2021 o P13.44 trillion mula sa P11.44 trillion sa panahon ng pandemya noong 2020.
Ito umano ang pinakamabilis na gross revenue growth simula 24.4% expansion na naitala noong 2001.
“Significant wage increase is long overdue. Imbis na Charter Change ang atupagin ng gobyerno, dapat nitong gawing prayoridad ang umento sa sahod upang makapagbigay alwan sa tumitinding krisis sa ating bansa,” ayon pa sa kongresista.
Apela pa ng Gabriela Women’s party kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahan bilang urgent ang House Bill 7568 upang agad na matulungan ang milyun-milyong manggagawang Filipino sa buong bansa.