
Ni NOEL ABUEL
Ibinunyag ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers nangyayaring pagsasabwatan sa pagitan ng mga ninja cops at ninja informants na nagdedeklara lamang ng 30% ng nakumpiskang illegal na droga, at pag-recycle at pag-convert ng iba sa pera.
Ayon sa kongresista, mismong mga opisyales ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police-Drug Enforcement Group ang nagsabing nangyayari ang lihim na polisiya ng ilang tiwaling anti-drug agents.
“May nagsabi sa akin na may kuntsabahan na ngayon ang mga “ninja-cops” at “ninja-informants” na magdeklara lang ng 30 porsyento sa bawat malalaking huli ng illegal na droga. Kung totoo ito, ito’y isang karumal-dumal na gawain ng ating mga tiwaling anti-drug law enforcers,” giit ni Barbers.
“Ibig sabihin nito, ang 30 percent ng drug na nasabat ay para sa accomplishment ng anti-drug operating unit at ang 70 percent ay para sa recycling and eventual conversion into cash para sa mga ninja cops at ninja informants,” dagdag pa nito.
Sa pagdinig noong nakaraang Martes sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na isinagawa ng Committee on Dangerous Drugs, ipinaalam ni Barbers na matagal nang impormante ng PDEA at pulis na ang pag-recycle ng droga ay nangyayari 20 taon na ang nakakaraan mula nang magsimula ito sa trabaho bilang anti-drug “asset”.
Ang moto propio hearing ay bunsod ng pagsisiwalat ni PDEA chief Moro Lazo na dalawa sa mga impormante ng PDEA ang nag-alok sa kanya ng malalaking anti-drug “jobs” kapalit ng 30 porsiyentong pabuya sa bawat makukumpiskang illegal na droga.
Sinabi ni Lazo na tinanggihan nito ang panukala ng mga impormante at sinabi sa huli na magbibigay lamang ito ng monetary rewards na pinapayagan sa ilalim ng patakaran ng PDEA.
Sinabi ni Barbers na ang kanyang panel ay naglalayon na gumawa ng mga bagong batas o pag-amiyenda sa Republic Act 9165 upang palakasin pa ito at upang pigilan o hadlangan ang mga anti-drug law enforcers na magsagawa ng mga illegal na pag-recycle ng illegal na droga.
Samantala, nagpahayag ng pagkaalarma si Senador Ronald Dela Rosa ibinunyag ng PDEA at PNP sa mga nakumpiskang illegal na droga.
“Our law enforcement agencies have accomplished so much during the past and this present administration. Many have upheld their commitments to perform their sworn duty to earn the trust of the people by serving them with honor and integrity,” sabi nito.
“But it seems that there are still some who fearlessly destroy the image and integrity of the PNP and PDEA to fight against illegal drugs. If evidence without integrity is ignored in court, what more if the services of law enforcement agents lose integrity?” tanong pa ni Dela Rosa.