
Ni JOY MADALEINE
Aabot sa 1,102 indibiduwal ang sumailalim sa libreng cervical cancer screening at breast examination and risk assessment sa magkahiwalay na medical activity sa 44 health centers sa lungsod ng Caloocan.
Nabatid na ang nasabing aktibidad ay dahil sa selebrasyon ng Women’s month na regalo ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan.
“This program intends to ensure women’s health and shield them against illnesses and complications such as cervical and breast cancer which is very common among women,” sabi ni Malapitan.
Sinabi rin ng lokal na punong ehekutibo ng Caloocan ang iba’t ibang serbisyong medikal na iniaalok ng pamahalaang lungsod sa pagdiriwang ng Women’s Month.
“Bukod po sa cervical screening ng City Health Department, mayroon po tayong libreng mammogram sa CCNMC tuwing Biyernes, libreng breast ultrasound sa CCMC tuwing Lunes, pati na rin po libreng pelvic ultrasound at pap smear tuwing Martes,” sabi ng alkalde.
Sinabi naman ni City Health Department Officer-in-Charge Dr. Evelyn Cuevas na hindi lang sa panahon ng Women’s month ang libreng medical services sa mga kababaihan ng lungsod kung hindi maging sa mga ordinaryong araw.
“Ginagawa po natin ang mga libreng serbisyong ito para sa ating mga kababaihan, hindi lamang tuwing Women’s Month, kundi kahit sa mga ordinaryong araw, mas espesyal lang po ngayong Buwan ng Kababaihan dahil sabayan natin itong isinagawa,” sabi pa ni Dr. Cuevas.
Pinasalamatan naman ni Malapitan ang CHD para sa kanilang mga hindi napapagod at walang sawang paglilingkod sa komunidad at sa mga kababaihan.
Ipinahayag din nito na ang iba’t ibang mga sentro ng kalusugan sa Caloocan City ay patuloy na magbibigay ng libreng cervical screening sa mga darating na araw.
“Maraming salamat po sa ating CHD sa inyong walang sawang pagbibigay ng mapagmalasakit na serbisyo sa ating mga kababayan at sa mga kababaihan. Patuloy pa rin pong maghahatid ng libreng cervical screening ang iba’t ibang health centers sa mga susunod na araw,” ayon pa lay Mayor Along.