
Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng labis na pagkadismaya si Senador Christopher “Bong” Go sa muling paglitaw ng usapin ng “ninja cops,” kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na manatiling walang humpay sa paglaban sa kriminalidad at ilegal na droga.
Hinimok ni Go ang mga awtoridad na tugunan ang mga ulat na ang mga tauhan ng pulisya ay nagbibigay ng reward sa mga impormante ng ilegal na droga.
“Ayoko pong masayang ang inumpisahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na labanan po ang iligal na droga, labanan ang kriminalidad. Kayo na po ang humusga kung nakakalakad ba ang inyong mga anak na hindi nababastos, nasasaktan. Dahil po ‘yan sa sakripisyo ni dating Pangulong Duterte na labanan po ang kriminalidad at iligal na droga,” sabi ni Go.
Sinabi ni Go na ang nasabing usapin ay nagdudulot ngayon ng takot sa mga mamamayan, at idinagdag na kung magpapatuloy ang problema ay maraming pamilya ang masisira.
“Ngayon, kung bumabalik na naman itong ninja cops at sinasabi recycled, kahit na ilang porsyento po ang ni-recycle nila, alam n’yo, ilang buhay na naman po ang masisira d’yan, ilang pamilya na naman po ang wawasakin,” giit ng senator.
“Kapag kumalat po ang droga sa daan, marami na naman pong pamilya ang masisira,” dagdag pa nito.
Sa pagdinig ng Senado na isinagawa ng Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Marso 15, kinuwestyon sina Police Senior Master Sergeant Jerrywin Rebosora at Police Master Sergeant Lorenzo Catarata hinggil sa imbestigasyon ng Philippine National Police sa pagkawala ng 42 kilo ng methamphetamine hydrochloride na nasamsam sa isang operasyon noong Oktubre.
Samantala, sa isang pagdinig sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, ibinunyag ng House Committee on Dangerous Drugs na 30% lamang ng mga nakumpiskang droga ang idineklara ng mga “ninja cops” at kanilang mga impormante, at ang iba ay nire-recycle at ibinebenta para maging pera.