
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr. sa mga lider ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na upuan at pag-usapan ng maayos ang sigalot sa isinusulong ng pagbabago ng Konstitusyon, sa halip na makipag-away sa publiko.
Umaapela ito sa mga pinuno ng Kamara at Senado na sundin ang parliamentary courtesy kasabay ng pagsasabing ang mga pagkakaiba sa kanilang mga opinyon sa charter change initiative ay maaaring maiwasan kung ang Senado ay unang bumoto muna sa panukala bago ipinahayag na wala itong sapat na numero para maipasa ang panukala.
“Nagkakaroon tuloy ng word war between the Senate President and the Speaker (Martin Romualdez) and (House Committee on Constitutional Amendments) Chairman Rufus (Rodriguez), minsan nakakahiya e,” sabi nito.
“Dapat e veteran legislators kami, kung ano man ang pinagkakaiba ng opinyon, settle privately,” dagdag ni Barzaga.
Sinabi pa ni Barzaga na nagsimula ang word war nang sabihin ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ang pagkaantala sa pagpapatupad ng mga implementing guidelines ng tatlong batas, ang Public Service Act; ang Retail Trade Liberalization; at ang Foreign Investment Act) ay lumitaw sanhi ng pagtutulak aniya ng Mababang Kapulungan para sa muling pagsulat sa mga probisyong pang-ekonomiya ng Konstitusyon.
Sinabi ni Rodriguez na ang alegasyon ni Zubiri ay hindi patas sa mga miyembro ng Kamara, lalo na kay Speaker Romualdez, dahil sa mga alegasyon ni Zubiri na ni-railroad ng Kamara ang pagpasa sa mga hakbang na nananawagan para sa isang Constitutional Convention (Con-Con).
“Hindi namin kasalanan ‘yun (delay in the enforcement of the implementing guidelines of the three laws). Unfortunately now, masama kaagad ang insinuation ni Senate President Migz Zubiri kaya nag-reply na ang ating Speaker at si Chairman Rufus Rodriguez, kaya sinasabi namin kung minsan nakakahiya rin sa publiko. The heads of the chambers of the lawmaking body are quarelling before the public. The issuance of the implementing guidelines of the aforementioned three laws is the act of the executive independent of the action of the House and also of the Senate,” paliwanag pa ng beteranong mambabatas.
Dinagdag pa ni Barzaga, isa sa mga mambabatas na nananawagan ng pag-amiyenda sa “restrictive” economic provisions ng Konstitusyon, na nagmamadali ang Kamara na maaprubahan ang inisyatiba dahil nais nitong makatipid sa pamamagitan ng pagdaraos ng halalan ng mga delegado ng Con-Con kasabay ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre.
“Kasi kung magkakaroon na naman tayo ng separate elections, in order to determine who shall be the Con-Con delegates ay talagang magastos ‘yan at kukuwestunin na naman ng ating mga kababayan at ng mga critics ng ating administration,” sabi nito.
“If the Senate really does not have the numbers, Zubiri could have just ordered Padilla not to proceed with the public hearings anymore because it will only be a waste of time,” giit pa ng kongresista.