Sen. Padilla: Postpone lang! Utos ni SP Zubiri mag-executive session muna

NI NOEL ABUEL
Inalmahan ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez ang hindi natuloy na paghaharap ng mga kongresista at senador na nagsusulong ng pag-amiyenda sa economic provision ng Konstitusyon.
“I am disappointed, after inviting me last March 14, I received last night a notice of cancellation from the Senate committee on constitutional amendments and revision of codes. I was already prepared go to the Senate today at 10 am to present to the senators the basis of our RBH 6 and HB 7352 which were all data-driven, evidence-based and future-proof,” sabi ni Rodriguez, chairman ng House Constitutional Amendments.
Nabatid na kinansela ng Senado ang imbitasyon nito sa chairman ng House constitutional amendments committee sa pagdinig ngayong araw sa resolusyon na nananawagan ng constitution convention upang magmungkahi ng mga pagbabago sa mga probisyon sa ekonomiya ng Konstitusyon.
Tinukoy ni Rodriguez ang Resolution of Both Houses No. 6, na nananawagan para sa pagpupulong ng isang constitutional convention upang magmungkahi ng mga pagbabago sa mga economic provision ng Charter, at House Bill No. 7352, na nagpapatupad ng resolusyon.
Sinabi ni Rodriguez na walang ibinigay na dahilan ang Senado para kanselahin ang kanyang pagharap kay Padilla.
Aniya, nabasa nito sa media ang mga pagtitiyak ni Padilla, ang kanyang counterpart sa Senado, na ang pagdinig ngayong araw ay gaganapin ayon sa pagkakatakda.
Sa pulong balitaan, unang sinabi umano ni Padilla na iimbitahin si Rodriguez at iba pang kongresista sa pagdinig.
“I wish members of the Senate would listen to what the [House members] are pushing for. I just want to be fair. I don’t want the House to think that I prevented their efforts,” sabi nito.
Sa panig naman ni Padilla, sinabi nitong hindi natuloy ang paghaharap ng mga senador at kongresista matapos iutos ni Senate President Juan Miguel Zubiri na ipagpaliban ito sa ibang araw.
Aniya, sinabi ni Zubiri na dapat munang magpatawag ng executive session ang mga kongresistang nagsusulong ng Con-con at mga senador na nagsusulong naman ng ConAss.
Sinabi pa ni Padilla na wala itong nagawa sa utos ni Zubiri at hindi na nagawa pang nagtanong kung kaya’t nagdesisyon na lamang itong hindi matuloy ang paghaharap ng mga senador at kongresista.

“May mga bagay dito sa loob ng Senado at HOR na dapat kami ay sumusunod sa aming mga pinuno. Ako po ay may pinuno na si Senador Zubiri at ganoon din naman may speaker ang HOR nanindyan naman si Rep. Martin Romualdez,” sabi nito.
“Hindi naman masama ang loob ko kasi ako soldier. Pag sinabi ng commander ko na si SP Zubiri, susunod po ako. Malungkot ako di natuloy kasi gusto ko magkabakbakan. Ito ang mga ganitong issue talaga, marinig ng taumbayan. Pero siyempre kailangan akong sumunod sa mga bagay na sinasabi nilang tradisyon at inter-parliamentary courtesy, ‘yan ang tawag nila. Kailangan ko sumunod,” sabi nito.
Ayon pa kay Padilla, nakatakda itong muling magtungo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at kausapin si Rodriguez hinggil sa nasabing usapin.
Nang mausisa si Padilla ng mga mamahayag kung nagpaalam muna ito kay Zubiri bago nagdesisyon na imbitahan ang mga kongresista ay sinabi nitong hindi nila batid magkakaroon ng problema.
“Di ko inisip na magkakaroon ng problema patungkol doon kasi nakailang hearing na po ako na may dalawang congressmen sa tabi ko Wala naging isyu. Nandoon sina Cong. Alvares at Cong. Go, pareho silang Concon habang ako ay ConAss. Nagkaroon lang kami ng kaunting diskusyon,” ani pa Padilla.
