DOE pinakikilos sa kaso ng DUs

Ni NOEL ABUEL
Mariing binatikos ni Senador Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) dahil sa kabiguan nitong ma-regulate nang maayos ang mga distribution utilities (DUs) at matiyak na abot-kaya ang singil sa kuryente.
“Dapat pinoprotektahan ng regulator ang mga mamimili ngunit kung sinasabing ang ating mga distribution utilities ay tumatakbo nang walang naaprubahang power supply agreement o PSAs at naniningil na lagpas sa pinapayagang generation rate, paano pa tayo magtitiwala sa sarili nating regulator?” tanong ni Gatchalian sa mga opisyal ng ERC sa isang pagdinig sa Senado, sabay sabing kailangang magsumite ito ng isang action plan para maiwasan na ang ganitong pangyayari dahil hindi aniya ito magandang pangitain para sa isang regulator.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kaugnay ng isyung dininig ng Senate Committee on Energy, kung saan ito ay nagsisilbing vice chairperson, hinggil sa kaso ng San Fernando Electric Light and Power Company, Inc. (SFELAPCO) sa Pampanga, na kamakailan lang ay inutusan ng ERC na magbayad ng P654.4-milyon na refund sa mga residente ng San Fernando para sa mga labis na singil na nakolekta mula Enero 2014 hanggang Disyembre.
Nagpataw rin ang ERC ng P21.6 milyon na parusa sa SFELAPCO dahil sa ipinasa nito sa mga consumers ang generation rate na hindi pa naaprubahan ng ERC.
Sa naturang pagdinig, nabatid na mayroong higit sa 20 DUs sa bansa ang nag-o-operate nang walang naaprubahang PSA, na nag-udyok kay Gatchalian na tawagin ang atensyon ng ERC upang lutasin ang sitwasyon at magsumite ng naaangkop na action plan.
“Paano nakalagpas ito sa inyo?” tanong ni Gatchalian sa mga taga-ERC, kaugnay ng hindi pagsunod ng ilang mga DUs sa resolusyon mismo ng ERC (Resolution No. 17 series of 2009) na nag-aatas sa lahat ng DU na magsumite kada buwan ng kanilang mga kalkulasyon sa generation rates, system loss rates, at mandated rate reduction.
Sa parehong pagdinig, hiniling din ni Gatchalian sa Department of Energy (DOE) na suriin ang patakaran nito na nagbibigay pahintulot sa mga DUs na manatiling “indirect member” ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Sa kaso ng SFELAPCO, ang hindi direktang pagiging miyembro nito sa WESM ang siyang naging hadlang sa pagkontrata ng suplay ng kuryente sa spot market na nagresulta sa mas mataas na singil ng kuryente para sa mga taga San Fernando, Pampanga.
“Dapat masuri ng DOE ang polisiyang ito dahil isa itong loophole sa proseso,” ani Gatchalian kay DOE Assistant Secretary Mario Marasigan.
Binigyan-diin ni Gatchalian na ang indirect WESM membership ay nagbigay rin sa SFELAPCO ng dahilan para humingi ng exemption sa Competitive Selection Process (CSP).
“Kayo ang nagtali sa sarili ninyong kamay dahil kung hindi ninyo nabigyan ang SFELAPCO ng exemption sa pagsumite ng CSP, magbabrownout doon,” sabi ni Gatchalian, na nagpaalala na dapat lahat ng DU ay mahigpit na sumusunod sa mga alituntunin dahil sa kasong ito ay ang SFELAPCO ang nagpabaya sa responsibilidad nito.