
NI NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national na matagal nang illegal na nananatili sa bansa.
Sa ulat na ipinadala ni Intelligence Division chief, Fortunato Manahan Jr., kay BI Commissioner Norman Tansingco nakilala ang nasabing dayuhan na si Felix Briggs, 32-anyos, na nadakip noong Marso 13 sa tinutuluyan nitong condominium sa Pasig City.
Sinabi ni Tansingco na si Briggs ay naaresto 15 buwan matapos na maglabas ng desisyon ang BI board of commissioners na ipatapon ito pabalik ng kanyang bansa dahil sa pagiging overstaying.
“We call on other foreigners who are wanted for deportation by our bureau. Stop hiding because the long arm of the law will catch you sooner or later,” sabi ng BI chief.
Ayon kay Manahan, armado ng warrant of deportation ang mga ahente nito na nagsasaad ng summary deportation laban kay Briggs na may petsang Disyembre 21, 2021.
Nakasaad sa deportation order na awtomatikong isasama sa blacklist list ang nasabing dayuhan kung saan hindi na maaari pa itong makabalik ng Pilipinas.
Sinabi ni Tansingco na agad na ipapa-deport si Briggs sa sandaling makakuha ng clearances sa kanyang deportation mula sa National Bureau of Investigation (NBI).