
Ni KAREN SAN MIGUEL
Patay ang isang mataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) makaraang mabaril ng hindi nakilalang armadong kalalakihan nang rumesponde sa nangyaring panghoholdap sa lalawigan ng San Miguel, Bulacan.
Kinilala ang nasawing biktima na si P/Lt. Col. Marlon Serna, hepe ng San Miguel Municipal Police Station dahil sa tama ng bala sa ulo.
Isang sibilyan din ang biktima ng ligaw na bala na nakilalang si Jay Jay Gabriel y dela Cruz, 17-anyos, at residente ng Brgy Soledad, Sta Rosa, Nueva Ecija.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ang dalawang hindi nakilalang mga suspek matapos ang pamamaril.
Base sa inisyal na ulat, dakong alas-10:00 kagabi nang mangyari ang krimen sa Brgy. San Juan, San Miguel, Bulacan.
Nabatid na bago ang insidente, nakatanggap ng tawag sa telepono ang nasabing himpilan ng pulisya dakong alas-9:30 ng gabi sa nangyayaring panloloob sa San Juan, San Miguel, Bulacan.
Agad na nagresponde ang mga pulis kasama si Serna sakay ng Ford Ranger na pick up at nang pagsapit sa madilim na bahagi ng Bgy. Bohol na Mangga ay nakita ng mga ito mga suspek sakay ng isang Mio motorcycle.
Agad na nagpaputok ang mga suspek at tinamaan si Serna sa ulo na duguang humandusay kung saan mabilis na tumakas ang dalawang suspek patungo sa Brgy Akle, San Ildefonso, Bulacan.
Isinugod agad sa Emmanuel Hospital si Serna subalit idineklara itong wala nang buhay.