

Ni NOEL ABUEL
Namahagi ng cash aid ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa mahigit 1,653 pamilya mula sa Davao de Oro na niyanig ng malakas na paglindol.
Pinangunahan ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez kasama si Tingog party list Rep. Yedda Marie K. Romualdez at Department of Social Welfare and Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga apektadong pamilya sa nasabing lalawigan sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program.
Magugunitang noong Marso 22 nang maramdaman ang magnitude 6.0 na lindol sa Mindanao na nasundan pa ng malakas na aftershocks na nagdulot ng danyos sa mga ari-arian ng mga biktima.
“Natural calamities such as earthquakes are unforeseen, and the injuries and damage it causes are of no fault of the victims. So it is only just to allocate and direct the government’s ayuda program to victims of the Davao de Oro earthquakes,” sabi ni Speaker Romualdez.
“We know that the amount of assistance does not really cover the damage done by the recent calamity. But we hope it alleviates a little our citizens’ plight in this time of need. The government is doing everything in its power to restore normalcy to Davao de Oro,” ayon naman kay Rep. Romualdez.
Ang DSWD, kasama ang mga kinatawan mula sa tanggapan ni Speaker Romualdez at mga opisyal na lokal na pamahalaan, ay nagsagawa ng AICS payouts sa munisipalidad ng Compostela, New Bataan, at Maragusan.
Sa Compostela, aabot sa kabuuang 319 beneficiaries ang nakatanggap ng cash aid na P3,000 bawat isa.
Samantala, kinatawan ni House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada ang mag-asawang Romualdez sa pamamahagi ng tulong pinansyal at sinamahan ni Davao de Oro (1st District) Rep. Maricar Zamora.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Romualdez na malaki ang pasasalamat nito sa Davao de Oro dahil nang salantain ng malakas na bagyo ang Leyte noong 2013, isa ito sa agad na nagbigay ng tulong.
At sa New Bataan, nasa P5,000 cash assistance ang ibinigay sa 503 beneficiaries, mula sa Brgy. Andap na higit na naapektuhan ng lindol na dinaluhan nina Mayor Gerald Balbin, Vice Mayor Larry Pagalan at ng City Councilors of New Bataan.
Pinasalamatan naman ni Pagalan si Speaker Romualdez, Tingog, at DSWD sa ipinaabot na tulong habang ang mga lider ng tribo sa Mandaya at Mansaka ay nagpasalamat din sa mag-asawang Romualdez sa tulong para sa mga indigenous people community.
Pinangasiwaan din ng grupo nina Speaker Romualdez at Tingog ang mabilis na pamamahagi ng AICS na nagkakahalaga ng P3,000 sa 285 na benepisyaryo mula sa Brgy. Tandik ng Maragusan, Davao de Oro.
Sa Brgy. Paloc, Maragusan, Davao de Oro, karagdagang 465 pamilya na ang mga bahay ay bahagyang nasira ang nakinabang sa P3,000 na tulong pinansyal at karagdagang
81 pamilya ang nakatanggap ng P5,000
bawat isa pagkatapos ng kanilang mga bahay na ganap na nasira.