
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si Senador Win Gatchalian sa mga local government units (LGUs) na manindigan laban sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa dahil sa patuloy na nangyayaring krimen na kinasasangkutan ng ilang operators ng POGO.
Sinabi ni Gatchalian na na kailangan nang manindigan ng mga LGUs hinggil sa masamang epekto ng pananatili ng industriya ng POGO sa kani-kanilang lokalidad.
Aniya, ilang LGUs, lalo na ang itinuturing na pinagpupugaran ng mga kumpanya ng POGO, ay nagsimula nang tukuyin ang implikasyon ng POGO operations sa kani-kanilang mga lugar. Kabilang sa mga naturang LGUs ang Manila, Pasay, at Parañaque.
“Responsibilidad ng alkalde at ng local chief of police ang nangyayaring krimen sa kanilang nasasakupan. Kaya, nagiging lokal na isyu na ito at problema ng komunidad,” ani Gatchalian.
Ibinahagi nito na ang Pasig City na unang LGU na nagpasa ng ordinansa na nagbabawal sa operasyon ng mga POGO matapos makitang mas malaki ang perhuwisyo sa komunidad kaysa sa mga benepisyong nakukuha sa mga kumpanyang ito.
“Ang dapat nating pagsikapan ay ang isang mapayapa at maayos na lipunan, isang bansa kung saan maaari nating anyayahan ang mga mamumuhunan, turista, at mga kaibigang banyaga. Hindi sila pupunta dito kung nabasa nila sa mga report na may mga krimeng nagaganap,” sabi ni Gatchalian.
Binigyan-diin nito na ang mga organisasyong may kakayahang dumukot at magsagawa ng illegal detention ay hindi mga lehitimong negosyante kundi mga sindikatong kriminal.
“Ang mga sindikatong kriminal lamang ang maaaring magsagawa ng pangingidnap at illegal detention na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa ating komunidad. Nakakabahala na baka pati mga alagad ng batas ay makain pa ng sistema at magiging mas mahirap para sa atin kalaunan dahil posibleng makontrol na sila ng mga kriminal na operasyon sa bansa,” dagdag nito.
“Huwag tayong mang-akit ng mga investor na nagdadala lamang ng krimen. Parang kumakapit tayo sa patalim. May mga lehitimo namang mamumuhunan na maaaring magdala ng investments at maglikha ng mga trabaho,” aniya pa.
Sinabi pa ng senador na sa kaso ng mga POGO, 90% ng kanilang mga empleyado ay foreign nationals at 10% lamang ang mga Pinoy.
Sinabi ni Gatchalian, chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, na nagsagawa ng pagsisiyasat sa operasyon ng mga POGO sa bansa, inirekomenda nito ang agarang pagbabawal ng mga POGO sa bansa.
Una nang tinukoy nito ang pinakahuling kaso na kinasasangkutan ng POGO ang natagpuang bangkay ng isang negosyanteng Filipino-Chinese.
“As we have seen in the past, POGOs have been the favorite mode of entry to our country by these criminal syndicates. I urge the police force to once again put the spot light on POGOs and the people behind this shady business. Our biggest fear that these syndicates will rechannel their attention to local businessmen has already begun. This is the primary reason to continue fighting to keep our communities safe,” sabi pa ng senador.
Nanindigan ito na walang kita na nakukuha ang gobyerno sa operasyon ng POGO kung kaya’t dapat nang umalis ang mga ito sa bansa.
Kung ito aniya ang masusunod ay dapat na umalis na ang mga POGO sa bansa sa lalong madaling panahon.
