
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Win Gatchalian na ang panukalang pagreporma sa real property valuation ay inaasahang magpapabilis ng automation sa local government units (LGUs) sa buong bansa at magpapahusay ng pangongolekta ng buwis.
“Dahil ang direksyon ng kasalukuyang administrasyon ay pahusayin ang digitalization ng mga proseso sa gobyerno, naniniwala ako na ang panukala, kapag naging batas na, ay magbibigay daan para i-automate na ang lahat ng mga proseso ng government transactions kabilang ang pangongolekta ng buwis o kita ng gobyerno,” sabi ni Gatchalian sa isang technical working group ng Senate Committee on Ways and Means na pinamumunuan nito.
Aniya, sa kasalukuyan ay halos 68% lamang ng mga LGU sa bansa ang nagpapatupad ng automation.
Mula umano sa bilang na ito, 729 LGUs lamang ang kasalukuyang dumadaan sa proseso ng real property assessment. Ang natitirang 32%, na karamihan ay 5th at 6th-class municipalities, ay walang real property assessment-related system.
Dinagdag pa ni Gatchalian na ang full automation ng LGUs ay naaayon din sa local governance reform project ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na nagbibigay ng technical assistance sa mga LGUs pagdating sa computerization, kabilang ang computer-aided mass appraisal na may geographical information system o GIS.
“Hindi lamang nagiging mahusay ang serbisyo publiko sa pagpapasimple ng mga proseso sa gobyerno. Ang automation ay nagbibigay-daan din sa mga lokal na pamahalaan na maging mas malapit sa kanilang mga nasasakupan sa gitna ng mabilis na digitalization ng ating pang-araw-araw na buhay,” ayon pa dito.
Sa ilalim ng panukalang Real Property Valuation and Assessment Reform (RPVAR) Act, ang Bureau of Local Government Finance (BLGF) ng Department of Finance (DOF) ay inaatasan na bumuo, magpatibay, at magpatupad ng pare-parehong pamantayan na gagamitin ng lahat ng mga appraiser at assessor sa mga LGUs sa pagtatasa o appraisal ng mga lupa, gusali, makinarya, at iba pang real estate property para sa pagbubuwis.
“Inaasahan natin na mapapagtibay nito ang ating hangarin na mas maging episyente ang gobyerno sa pangongolekta ng buwis na hindi kinakailangang magtaas nito,” sabi pa ni Gatchalian.
Sinabi pa nito na isa sa mga priority bill ng administrasyong Marcos, ang naturang panukala ay inaasahan ding magpapaigting ng technical cooperation sa pagitan ng pambansa at lokal na pamahalaan, na inaasahang hahantong sa mas mahusay na paglulunsad ng mga proyektong pang-imprastraktura, at magdadagdag ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan at tiwala ng publiko.
“Nakita natin mula sa ating karanasan na kung automated na ang lahat ng proseso hanggang sa pagbabayad, makikita mo ang pagtaas ng koleksyon ng kita nang hindi naaapektuhan ang tax rates. Kaya sa tingin ko ay isang magandang pagkakataon sa pamamagitan ng batas na ito ang pag incentivize sa mga LGUs na magpapatupad ng automation,” kwento nito ng kanyang naging karanasan bilang dating alkalde ng Valenzuela City.