
Ni NERIO AGUAS
Naglabas ng abiso ang Bureau of Immigration (BI) na simula sa Mayo 1 ay hindi na gagamit ng paper-based departure cards.
Sa inilabas na advisory ni BI Commissioner Norman Tansingco, sinabi nito na palalawigin nito ang eTravel system upang mabawasan ang mga kinakailangang dokumento ng mga papaalis na pasahero.
Ang platform, na unang inilunsad noong Disyembre, ay nagkakasundo at pinagsasama-sama ang mga proseso ng pagkolekta ng data sa mga daungan.
“The eTravel platform will soon be used for both arriving and departing passengers. Travelers no longer have to fill out departure cards, and instead may log in the online portal prior to their flight,” paliwanag ni Tansingco.
Ang nasabing sistema ay inisyatiba ng binuong sub-technical working group ng IATF, na pinamumunuan ng BI.
Ito ay joint project ng BI, Department of Information and Communications Technology (DICT), ng Department of Tourism (DOT), ng Bureau of Quarantine (BOQ), ng Bureau of Customs (BOC), ng Department of Health (DOH), ng Department of Transportation (DOTr), ng Department of Justice (DOJ) at ng National Privacy Commission (NPC).
Ayon kay eTravel Technical Working Group chairperson Dennis Javier, simula Abril 15, ang mga papaalis na pasahero ay maaaring mag-log in sa platform nang hindi lalampas sa 72 oras hanggang hindi lalampas sa 3 oras mula sa nakatakdang oras ng kanilang flight.
Ang online portal ay papalitan ng paper-based departure card, nabkinakailangang punan bago umalis ng bawat pasahero.
“This is a major step in streamlining documents presented by departing travelers, allowing for faster and more efficient immigration processing,” sabi ni Tansingco.
Ang eTravel website ay maaaring makita sa etravel.gov.ph at ito ay libre.