
Ni NOEL ABUEL
Nanindigan si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na makatutulong sa pagpapahusay ng koordinasyon at patakaran ng mga ahensya ng gobyerno ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) para sa pagtugon sa mga public health emergency sa bansa.
“Ayaw man natin na maranasan uli ang pandemya, hindi natin maikakaila na totoo namang pwedeng maulit ito at sa anumang hagupit ng krisis na dulot ng epidemya o pandemya, ang pagiging handa ang isa sa ating maaasahan na pansangga sa delubyong ito,” ani Estrada, may-akda ng Senate Bill No. 679 o ang panukalang Philippine Center for Disease Control and Prevention (CDC) Act.
Aniya, bagama’t patuloy na bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa, lalo na sa National Capital Region (NCR), nananatili pa rin aniya itong seryosong banta sa pampublikong kalusugan.
“Ang mabigyan ng lunas at patuloy na pagsasagawa ng mga pananaliksik para maiwasan ang mga ganitong uri ng sakit ay naging prayoridad ng gobyerno pati na ang paglalatag ng koordinasyon ng iba’t ibang ahensya ay lubhang makabuluhan batay na rin sa naging karanasan natin mula sa COVID-19 pandemic,” sabi pa ng beteranong mambabatas.
Sinabi rin ni Estrada na isinaalang-alang sa pagbalangkas ng nasabing panukalang batas ang mga natutunang aral sa pagtugon sa pandemya at crisis management.
“Sa pagtatatag ng Philippine CDC, layon din natin na isaayos ang ilang mga tanggapan at serbisyo upang matiyak at maging malinaw ang kanilang mga tungkulin at mas maayos ang kanilang koordinasyon. Ito ang magsisiguro ng mabilis, maaasahan, mahusay na emergency response at pagtugon sa mga krisis sa pangkalusugan,” sabi pa ng senador.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang ilan sa mga kasalukuyang tanggapan at units ay isasaayos, kabilang ang Research Institute for Tropical Medicine (RITM) na ililipat mula sa Office of the Secretary of Health at ilalagay sa ilalim ng CDC.
Iminumungkahi rin ng SB 679 ni Estrada ang pagtatatag ng apat na center – ang Center for Health Statistics, Center for Surveillance and Epidemiology, Center for Health Evidence, and Center for Reference Laboratories – na pangangasiwaan ng CDC na siyang mamumuno at mag-uugnay sa lahat ng pangunahing tungkulin lalo na sa tuwing may public health emergencies at kalamidad.
Ang panukalang batas ay kabilang sa legislative priority measures na binanggit ng Pangulo sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) at nakatakda na itong talakayin sa plenaryo ng Senado.