P5 bilyon natipid ng gobyerno –Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nakatipid ang gobyerno ng mahigit P5 bilyon kasunod ng pagwawakas ng kontrata ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at third-party auditor nito para sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ito ang sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian matapos ang imbestigasyon na isinagawa ng Senate Committee on Ways and Means, na pinamumunuan nito na nagbunyag ng maraming iregularidad sa bahagi ng third-party auditor na Global ComRCI na may kontrata sa PAGCOR na P6 bilyon sa loob ng sampung taon. Nagsimula ang kontrata noong 2018.

Ang mga natuklasang iregularidad ang naging dahilan upang wakasan ng PAGCOR ang kontrata nito sa Global ComRCI na napaluwalan na ng P842 milyon bilang paunang bayad.

Umaasa ang senador na itutuloy ng PAGCOR ang intensyon nitong magsampa ng kaukulang kaso laban sa Global ComRCI at mga tiwaling opisyal ng PAGCOR na sangkot sa maanomalyang pagpili ng third-party auditor ng mga POGO.

Nais din nitong mabawi ang P842 milyon na ibinayad na ng PAGCOR sa naturang auditing firm.

Kasunod ng pagwawakas ng kontrata, sinabi ng PAGCOR na naendorso na sa Office of the Solicitor General (OSG) ang kanilang hakbang para sa posibleng pagsasampa ng mga kasong administratibo, sibil, at kriminal laban sa Global ComRCI.

“Kami ay nalulugod na malaman na ang pagsasagawa ng legislative oversight sa industriya ng POGO, partikular na sa pagtukoy ng socio-economic cost ng kanilang presensiya sa bansa, ay nakatulong sa pamahalaan na makatipid ng higit sa P5 bilyon,” sabi ni Gatchalian.

Nauna nang nanawagan ang mambabatas para sa agarang pagsasara ng POGO operations sa bansa upang makatulong na mapanatili ang kapayapaan at kaayusan at mapanatili ang paglago ng ekonomiya.

Ayon sa senador, ang kawalan ng third-party contractor para sa mga POGO ay dapat ding mag-udyok ng agarang pagwawakas ng mga operasyon ng POGO sa PIlipinas.

Nauna nang idiniin ni Gatchalian na ang tahasang pagbabawal sa mga POGO sa bansa ang tanging paraan upang matugunan ang dumaraming bilang ng mga krimen na iniuugnay sa industriya.

“Non-negotiable sa akin ang criminal activities. Hindi ko pwedeng i-negotiate ang buhay ng kababayan natin dahil kung may makidnap d’yan o kung merong napatay ay responsibilidad natin ‘yun,” pagdidiin nito.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s