Zero crime sa Caloocan City pinatitiyak ni Mayor Malapitan

Zero crime dapat: Si Caloocan City Mayor Along Malapitan habang magbibigay ng utos sa mga opisyal ng Caloocan City police para magbantay sa lungsod.

Ni JOY MADELINE

Ipinag-utos ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa Caloocan City Police Station (CCPS) na tiyakin ang zero crime rate sa pagdiriwang ng Semana Santa 2023.

Inatasan din ng local chief executive ang CCPS na itaas ang kanilang security measures kabilang ang police visibility, lalo na sa mga pampublikong lugar, simbahan, transport terminals at mga pangunahing kalsada sa lungsod.

“Inaatasan po natin ang Caloocan City Police Station na tiyakin ang seguridad ng ating mga kababayan ngayong panahon ng Semana Santa. Ang target natin, zero crime rate sa buong lungsod,” ayon sa alkalde.

“Kasabay nito, mahigpit nating direktiba ang pagpapaigting ng police visibility lalo na sa matataong lugar tulad ng simbahan, mga terminal ng sakayan at mga pangunahing daanan,” dagdag nito.

Kaugnay nito, ipinakalat din ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang kanilang “Alalay sa Manlalakbay” na magsisilbing help desk para tumulong sa mga motorista at residente sa gitna ng Lenten season.

Binigyan-diin din ni Malapitan na ang pamahalaang lungsod ay mananatiling mapagmatyag sa lahat ng mga kaso at ang Alert and Monitoring Center at Emergency Hotline ay magagamit ng publiko 24/7.

“Nanatiling alerto ang ating mga tanggapan sa pamahalaang lungsod at handang rumesponde. Bukas ang ating emergency hotline 888-25664 (ALONG) sa anumang ulat ng sakuna maging sa gitna ng paggunita sa Semana Santa,” ayon pa sa alkalde.

Bukod dito, inatasan ni Malapitan ang lahat ng opisyal ng barangay na magsagawa ng roving operations upang maiwasan ang mga magsasamantala sa sitwasyon habang may mga pamilyang nagbabalasyon.

“Sa mga barangay, inaatasan ko po kayong tuluy-tuloy na magronda upang maiwasan natin ang pananamantala ng mga masasamang loob habang nasa bakasyon ang iba nating mga kababayan,” sabi pa ni Mayor Along.

Leave a comment