
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni Senador Nancy Binay ang mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Bilibid Prison (NBP) at maging mga local government units (LGUs) na bisitahin at puntahan ang Masungi Georeserve sa Baras, Rizal.
Sa ginawang pag-ocular inspection ni Binay, hindi aniya nito inaasahan na mayroong magandang lugar sa nasabing lalawigan na malapit lang sa Metro Manila.
“Unang-una, eye-opener, hindi ko ine-expect na mayroon pala’ng ganito na pwede nating pasyalan na malapit lang sa Metro Manila,” sabi nito.
Aniya, bagama’t nauunawaan nito ang plano ng Bureau of Corrections (Bucor) na magtayo ng bagong pasilidad sa Masungi Georeserve ay dapat na pag-aralan muli kung kailangang sirain ang napakagandang lugar na maraming puno at halaman.
“I think ang next step is to bring more people from government to visit the place, because I think sina Gen. Catapang yata hindi pa nakikita itong lugar, eh. So siguro baka magkakaroon ulit tayo ng isa pang ocular inspection na isasama naman natin ang different government agencies na magiging bahagi nitong Masungi. Isasama na natin itong DENR, LGU, at syempre ang NBP,” paliwanag pa ni Binay.
“Ang impression ko noong una kong makita, paano magtatayo ng Bilibid dito? Iyong cost lang, puros bangin. Alangan naman na putulin nila ang bundok para patayuan ng kulungan. So space-wise, parang ang lupa dito sa Masungi hindi siya ideal to construct, whether it’s Bilibid or anong facility, parang hindi akop sa terrain ng lupa,” dagdag pa nito.
Sinabi pa ni Binay na makikipag-ugnayan ito sa Department of Tourism (DOT) para pag-aralan ang pagsira sa nasabing lugar.
“‘Di ba parang mas bagay na ahensiya siguro dito is baka Department of Tourism. Baka magandang pag-aralan, baka pwedeng palawakin ang scope ng National Parks and Development na hindi lamang Rizal Park ang bahagi ng mandato nila, baka pwedeng iyong mga iba pang parks outside of Metro Manila ay bahagi na rin ng kumbaga kailangan nilang i-maintain,” ayon pa sa mambabatas.
Nabatid na may hawak nang titulo ang Bucor sa nasabing lugar para paglipatan ng NBP inmates.
Aniya pa, ang nakikita nitong solusyon ay gamitin ang kasunduna na hindi muna gagalawin ng Bucor ang nasabing lugar.
“Unang-una baka nga pwede ‘yung usufruct agreement. Kasi nabanggit nga ni General Catapang na hindi na magtatayo pero I don’t know if that will be the position that will be taken by whoever will be taking his position. Kunwari tapos na ‘yung term nya. Gusto natin may continuity sa policy na ‘yun so I don’t know kung kailangan mag-execute ng document si NBP na di na nila muna gagalawin ang property na ito or kung magkakaroon sila ng agreement with the Masungi Foundation na for the meantime sila muna ‘yung caretaker of the property so isa ‘yun sa pwede natin i-explore,” pahayag pa nito.