
Ni NOEL ABUEL
Kinastigo ni Senator Idol Raffy Tulfo ang embahador ng China dahil sa pagbabanta nito tungkol sa employment ng libu-libong overseas Filipino workers (OFWs) sa Taiwan kapag hindi tinutulan ng Pilipinas ang kalayaan ng Taiwan.
Tinawag ng senador na bully si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian dahil hindi diumano kuntento na hina-harass ng China ang mga mangingisdang Pilipino sa West Philippine Sea at ngayon naman ay ginagamit naman nito ang mga OFW bilang hostage sa gitna ng isyu nito sa Taiwan sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“Si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian ay nagbitaw ng mga salitang lantarang minamaliit ang mga Pilipino nang dahil sa away ng China at Taiwan. Ginamit niya sa kanyang pambubully ang inosente nating mga OFWs sa Taiwan para utusan tayong gawin ang mga kagustuhan nila,” ani Tulfo.
“To Chinese Ambassador Huang Xilian, this is not acceptable, and we will never bow down to this kind of bullying! Sa mga kababayan natin sa Taiwan, huwag po kayong mabahala. Hinding-hindi po namin kayo pababayaan,” dagdag nito.
Kamakailan, binitawan ni Huang Xilian ang mga salitang lantarang minamaliit ang mga Pilipino.
“The Philippines is advised to unequivocally oppose ‘Taiwan independence’ rather than stoking the fire by offering the US access to the military bases near the Taiwan Strait if you care genuinely about the 150,000 OFWs,” dagdag pa nito.
Giit ni Tulfo, walang karapatan ang sinuman, kahit pa ang pinakamataas na opisyal sa China, na utusan ang pamahalaan sa dapat na gawin at pagbantaan ang mga OFWs.
Dagdag nito, ang isyu ng Tsina sa Taiwan o sa Enhanced Defense Cooperation Agreement ay dapat hinarap nila sa madiplomasyang paraan, sinunod ang tamang proseso at protocol kapag ang isyu ay sa pagitan ng mga bansa.
Sinabi ng mambabatas na matagal nang foreign ministry officer ng China si Xilian, pero imbis na makipag-usap ng maayos nang gobyerno sa gobyerno, dinamay pa niya ang mga inosenteng OFWs sa kanyang pananakot.