
Ni NOEL ABUEL
Pinasinayaan ni Senador Lito Lapid sa publiko ang bagong gawang Infectious Diseases Unit (IDU) ng Gat Andres Bonifacio Medical Center sa Tondo, Maynila ngayong Biyernes, April 21, 2023.
Sa kabila ng idineklarang holiday, personal na pinuntahan ni Lapid ang nasabing pagamutan na para sa mapakinabangan ng mga Pilipinong walang pambayad sa ospital.
Nabatid na naglaan si Lapid ng P30M sa Department of Public Works and Highway (DPWH) para sa pagpapagawa ng Infectious Diseases Unit na matatagpuan sa ikapitong palapag ng Gat. Andres Bonifacio Medical Center.
Dahil dito, inaasahan na aabot sa mahigit sa 40 pasyente ang maaaring i-accommodate ng unit na fully air-conditioned at libre pa.
Nagpasalamat naman si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, mga doktor at nurses sa pagbibigay ng kahalagahan ni Lapid sa kalusugan ng mga Manileño at mula sa ibang probinsya.
Ipinangako ng senador na patuloy na magbibigay ng tulong medikal at ayuda sa mga mahihirap na hindi kayang magpagamot sa mga pribadong ospital.
“Kung ano pa ang maibibigay kong tulong sa mga taga-Maynila at ibang probinsya, ipagbigay-alam lang sa aking opisina upang agad na aming aksyunan sa abot ng aking makakaya,” ayon kay Lapid
Ang Gat Andres Bonifacio Medical Center ay itinatag noong April 30, 1998 sa pamamuno ni dating Manila Mayor Alfredo Lim, isa sa anim na (6) charity hospitals sa lungsod at may kapasidad na 100 kama.
