
Ni NOEL ABUEL
Inihain ni Senador Win Gatchalian ang isang panukalang batas na nagtatatag ng ‘automatic income classification’ sa mga local government units (LGU) upang mapabuti ang serbisyo sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon sa senador, ang automatic income classification ng mga LGUs ay magsisilbi bilang batayan para sa pagtukoy ng mga tulong na administratibo at pinansyal sa mga lokal na pamahalaan, pagtukoy ng kakayahang pinansyal ng mga LGUs upang magsagawa ng priority projects, at para sa pagpapatupad ng mga batas at polisiya na may kinalaman sa suweldo at mga benepisyo ng mga lokal na opisyal at mga tauhan nila.
“Ang panukalang ito ay magbibigay kapangyarihan sa mga LGUs pagdating sa pamamahala at pagpapabuti ng kanilang mga serbisyo para sa kanilang constituents, ” sabi ni Gatchalian, sa kanyang Senate Bill 2067 o ang Automatic Income Classification Act para sa LGUs.
Ang panukalang batas ay naglalayong lutasin ang ligal na opinyon ng mga eksperto hinggil sa income classification ng mga LGUs na nakasaad sa Section 9 ng Executive Order No. 249 series of 1987, na nagbibigay sa Secretary of Finance (SOF) ng administrative authority upang suriin at magrekomenda ng mga naaangkop na pagbabago ng income classification ng mga lungsod, lalawigan, at munisipalidad nang hindi bababa sa isang beses sa loob ng apat na taon.
Ayon sa ligal na opinyon ng Department of Justice (DOJ), ang SOF ay may awtoridad na i-reclassify, kada apat na taon, ang lahat ng mga lalawigan, lungsod maliban sa Maynila at Quezon City, at mga munisipalidad batay sa schedule ng kanilang taunang kita sa huling apat na magkakasunod na taon.
Binigyan diin ng naturang ligal na opinyon na ang awtoridad ng SOF na irebisa o baguhin ang schedule of income o “income ranges” ay rekomendasyon lamang sa tamang awtoridad at ito ay ang Kongreso.
Ito ay muling pinagtibay sa isa pang DOJ opinion na nagsasabing kailangan ng congressional amendment ng EO 249 para sa pagtatatag ng income benchmarks.
Ang mga opinyon na ito ng DOJ ay nagresulta sa pagkaantala ng income reclassification noong 2012 at sa mga sumunod pang cycle. Taong 2008 noong huling naglabas ang DOF secretary tungkol sa reclassification. Mula noon ay hindi na nagbago ang income classification kaya ngayon ay hindi na ito umaayon sa umiiral na economic condition at aktwal na financial standing ng mga LGU, ayon kay Gatchalian.
“Sa pamamagitan ng panukalang ito, binibigyan din natin ng daan ang mga local government personnel na makatanggap ng anumang pagtaas sa kanilang sahod. Nagbibigay rin ito ng daan para sa mga LGU na kumuha ng karagdagang tauhan habang pinapalakas nila ang kanilang serbisyo sa kanilang mga nasasakupan,” dagdag nito.