BoC kinalampag ng senador vs smugglers

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Muling kinalampag ni Senador Christopher “Bong” Go ang Bureau of Customs (BOC) para paigtingin ang kampanya laban sa smugglers.

“Mas paigtingin pa natin ang kampanya kontra agricultural smuggling. Tingnan natin kung mayroon bang sindikatong nasa likod nito. Tignan natin, mayroon naman tayong batas, ‘yung Anti-Agricultural Smuggling Law,” ani Go.

“Gamitin natin ang ngipin ng batas. Ipahuli, ipakulong talaga. Dapat madala talaga itong mga smuggler na ito na alam naman natin, itong mga smuggler na ito ang makikinabang. Kawawa po ang maliliit nating local producers lalung-lalo na po ang mga magsasaka,” dagdag pa nito.

Si Go ay isa sa may-akda ng panukala na naging Republic Act No. 11901, na nagpapalawak sa sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.

Nagsusulong din ito para sa iba pang mga programa upang suportahan ang mga magsasaka at mangingisda sa bansa, tulad ng pagpapahusay ng irigasyon ng mga lupang sakahan at pagpapalawak ng National Rice Program.

Sa kabilang banda, suportado ni Go ang desisyon ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na ibenta sa Kadiwa stores sa buong bansa ang nasabat na smuggle na asukal.

“As per report po, the Sugar Regulatory Administration amended its rules para ma-turn over na po ang mga confiscated smuggled sugar sa mga Kadiwa stores at maibenta sa general public sa mas murang halaga. Agree po ako diyan kaysa naman masayang ay ibenta sa murang halaga dahil confiscated naman ito. Ang importante po ay ma-stabilize po ang presyo,” ani Go sa ambush interview matapos inspeksyunin ang Malasakit Center sa Quirino Province Medical Center sa Cabarroguis, Quirino.

Ngunit pinatitiyak nito na dapat maibigay sa mahihirap ang murang presyo ng asukal na mabibili sa Kadiwa stores.

“Mayroon pong balita na isang proposal na ipamigay na lang ito ng libre through DSWD, maganda po ang hangaring ito. Pero dapat pag-aralang mabuti. Kung sa Kadiwa stores ibebenta po, ang tanong ko lang po, ilang Kadiwa stores ba tayo mayroon sa buong Pilipinas? Lahat ba ng lalawigan ay may Kadiwa stores?” pag-uusisa nito.

Nauna rito, inamiyendahan ng SRA ang patakaran nito para pahintulutan ang donasyon ng mga nakumpiskang smuggled na asukal sa mga tindahan ng Kadiwa.

Nabatid na plano ng SRA na ibenta ang 4,000 metriko tonelada ng smuggled na asukal sa darating na buwan ng Mayo.

Binigyan-diin nito ang hakbang ng SRA ay papakinabangan ng mga mamimili, lalo na sa mga nahihirapang mabuhay sa gitna ng mga hamon sa ekonomiya na dulot ng pandemya.

“Ang importante po para sa akin na ma-dispose po agad ito kaysa masira, papakinabangan pa ito ng gobyerno. Agree po ako kung ano pong pamamaraan na mapakinabangan po ito ng mahihirap at ma-stabilize po ang presyo ng sugar. Mas mabuti na lang po kaysa naman masayang diyan at nakatiwangwang,” sabi ni Go.

Leave a comment