
Ni NOEL ABUEL
“Huwag nang magsayang ng pera.”
Ito ang giit ni AGRI party list Rep. Wilbert T. Lee sa Land Transportation Office (LTO) sa ulat na kinukulang ng drivers’ plastic license cards ang ahensya.
“The official receipt should be enough. Huwag na natin dagdagan ang gastos at mag-print pa ng temporary driver’s license na naka-print sa papel lang,” sabi ni Lee.
Kinumpirma ng LTO nitong linggo ang kakulangan, na anila ay resulta ng isang department order na kanilang natanggap noong Enero, na nagsasabing ang lahat ng mga procurement na may kinalaman sa P50 milyon pataas ay dapat isagawa ng Department of Transportation central office.
Sinabi rin ng ahensya na ang imbentaryo nito ng mga lisensya ng plastic card ay tinatayang ganap na maubusan sa huling linggo ng buwang ito.
Inihayag din ng LTO na palalawigin pa nito ang validity ng mga lisensya na malapit nang mag-expire, matapos itong humarap sa backlash nitong weekend dahil sa balita ng kakulangan.
“Hindi unli ang pera ng pamahalaan. Temporary licenses are a wasteful and unnecessary response to the problem. Masasayang lang ang milyun-milyong papel, ink, kuryente at effort sa pag-print ng mga ito,” sabi ni Lee.
“This is a call not only for the LTO, but for all card-issuing agencies as well. Kung kaya naman nang patunayan ng official receipt, huwag na tayo gumawa ng temporary card. Mas maigi pa na kumilos tayo agad para mapunan ang pangangailangan. Winner tayo lahat kung makakatipid ang pamahalaan at makakaiwas sa di mahalagang gastos, dahil magagamit ang pondo sa mas makabuluhang bagay na para sa kapakanan ng mamamayan,” pahayag pa nito.
Ang kakulangan ng plastic license cards ay inaasahan na makakaapekto sa nasa 5.2 milyong motorista.
Muli ring nanawagan si Lee na maglaan ng mas malaking budget sa LTO para matugunan ang license plate backlog.
Sa deliberasyon para sa 2023 budget, hinimok ni Lee ang Kongreso na ibigay ang P6.8 bilyon na hiniling ng ahensya para makagawa ng mga plaka.
“Dahil ang problema natin sa plate numbers ay since 2014 pa, I also move na maibigay nang buo ang 6.8 billion na budget para matapos na ng LTO ang backlog sa plate numbers,” giit pa ni Lee.